Abante Tonite Interactive

Para may handa sa birthday Binatilyo nagbenta ng shabu

296

Upang makapaghanda sa kaniyang kaarawan sa darating na Sabado, napilitan umanong magtulak ng shabu ang 17-anyos na binatilyo subalit minalas na maaresto sa Quezon City nitong Lunes ng gabi.

Sa report kay Batasan Police Station (PS 6) commander PLt. Col. Joel Villanueva, alas-7:00 ng gabi (May 20) nang maaresto sa buy-bust operation ang di-pinangalanang suspek sa kanilang tahanan sa Brgy. Payatas A, QC.
Nakumpiska sa bagets ang anim na sachet ng shabu at buy-bust money.

Iginiit naman ng ate ng suspek na posibleng napilitan lamang na magtulak ng shabu ang kanyang kapatid.

“Sinabi niya (suspek) sa akin na magbi-birthday na raw siya at gusto niyang maghanda dahil pupunta ang mga kaibigan n’ya. Pero sabi ko wala akong pera.
Sagot niya, sige gagawa na lang ako ng paraan,” ayon sa kapatid ng binatilyo.

Sa piitan ay pinabulaanan ng binatilyo na nagtutulak siya ng iligal na droga pero umamin siya na minsan ay gumagamit siya nito. (Dolly Cabreza)