Para sa kabutihan ng pamilya
Dear Kuya Rom,
May isang bagay na kailangan kong magdesisyon. Gusto kong makasiguro na tama ang gagawin ko. Ito ay isang family concern.
Ang kapatid kong mas bata sa akin ay isang single mother na may anak na babaeng malapit sa akin. Siya ay ikakasal na, pero para siyang teenager na laging may post sa Facebook na ipinakikita ang kaseksihan niya.

Bilang nakatatandang kapatid niya, sabi ko sa kanya na mag-ingat siya sa mga post niya. Nagalit siya at tinira niya ako ng masasakit na salita sa social media.
Kinausap ko siya ng personal tungkol dito, at pinakiusapang magbigay naman siya ng galang at ingatan ang pangalan ng family namin.
Minsang sinundo ko ang pamangkin ko na anak niya para mamasyal sa mall, hindi tumitingin sa akin ang kapatid ko. Hindi ko na lang pinansin.
Malapit na ang kanyang kasal at hindi niya ako pinadalhan ng invitation kung hindi pa kinulit siya ng mommy ko. May kutob akong ayaw niyang pumunta ako sa kasal niya dahil alam niyang hindi ako kampante sa lalaking pakakasalan niya, na isang lasinggero.
Kung ayaw niyang pumunta ako sa kasal niya, dadalo pa ba ako? O mas mabuting dumalo ako alang-alang sa kabutihan at katahimikan ng pamilya namin? — Wilma
Dear Wilma,
Mukhang nakikinig ang kapatid mo sa mommy mo. Kapag may kailangang itama sa ugali ng kapatid mo, iparating mo ito sa mommy mo at hayaang siya ang magsabi sa kapatid mo.
Mainam na huwag mong igiit o ipagsapilitan ang alam mong tama kung makakasira ito ng relasyon. Hindi rin kailangang sagutin mo ang lahat ng mga salita sa iyo ng kapatid mo. Pigilin mo ang iyong dila.
Mas makakatulong ang pananahimik. Ang ‘dignified silence’ ay magbubunga ng katahimikan at kaayusan ng lahat. Ito ang epektibong sagot sa anumang ingay at masasakit na salita ng iba.
Malapit sa iyo ang pamangkin mo, masayang sumasama sa iyo, sa kabila ng hindi maayos na pakikitungo sa iyo ng ina niyang kapatid mo. Alang-alang sa mahal mong pamangkin at sa pamilya ninyo, dumalo ka sa kasal ng kapatid mo.
Maaaring tama ang iyong kutob na alam ng kapatid mong hindi ka komportable sa lalaking mapapangasawa niya.
Pero walang mabuting ibubunga ang hindi mo pagdalo sa kasal niya. Kailangan niya ang isang kapatid na may lakas ng loob na sabihin ang tama para sa kabutihan niya.
Ang pagdalo mo sa kasal niya ay pagpapakita ng pagmamahal mo sa kanya, sa kabila ng ugali niyang nakakasama sa inyong pamilya.
Ipanalangin mong pagpalain ng Diyos ang kasal ng kapatid mo at relasyon nila ng kanyang mapapangasawa. Suportahan mo ang iyong kapatid sa ngalan ng pag-ibig para sa kabutihan ng inyong pamilya. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom