Abante Tonite Interactive

Parak, 3 pa huli sa sinalakay na cybersex den sa South Cotabato

By
473

Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang pulis at tatlo pang katao na nagmimintina umano ng cybersex den at nag-aalok ng mga menor de edad sa online, noong Biyernes sa Polomolok, South Cotabato.

Ipinrisinta ni NBI Spokesman Ferdinand Lavin ang mga suspek na sina PO2 Retchie Bucan, Jemma Zarate, Jessa Penacerada at Guillerma Zarate.

Nasagip naman ng NBI ang apat na kabataan sa nasabing pagsalakay.

Ang pag-aresto ng NBI-Central Mindanao Regional Office sa mga suspek ay sa bisa ng search warrant na inisyu ng General Santos City Branch 35 sa bahay ni Jemma Zarate y Penacerada sa Asuncion Village, Barangay Cannery.

Sa impormasyong nakuha ng NBI, nagre-recruit umano ang mga suspek ng menor de edad para mag- pose bilang mga cybersex model at nagpi-perform ng sexual acts.

Sa pagsalakay ng NBI ay nakarekober sila ng ilang computers, laptops, web cams, sex paraphernalia, baril at sasakyan ni Bucan.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act ang mga suspek.