Abante Tonite Interactive

Paralitiko niratrat ng 6 na ‘men in black’

331

Patay ang isang paralitiko matapos pagbabarilin ng anim na suspek na nakaitim na jacket, face mask at crash helmet habang natutulog sa kanyang barong-barong malapit sa riles ng tren, kahapon ng madaling-araw sa may Blumentritt, Sta. Cruz, Maynila.

Idineklarang dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Ricardo Ma, 48, taga-1503 Old Antipolo St., Blumentritt, Sta. Cruz, Maynila dahil sa mga tama ng bala sa mukha.

Sa imbestigasyon ni PEMS. Charles John Duran, naganap ang insidente pasado alas-12:00 ng madaling-araw sa nabanggit na lugar kung saan nagpapahinga ang paralitikong biktima.

Nabatid na ‘bed ridden’ na umano ang biktima matapos itong ma-stroke noong nakalipas na taon kaya nagpatayo na lamang ito ng barong-barong malapit sa riles ng tren na nagsilbi niyang pahingahan.

Patuloy ngayong inaalam ng pulis­ya ang motibo sa pagpaslang.
Dinala ang bangkay sa Cruz funeral para sa awtopsiya. (Juliet de Loza-Cudia)