Abante Tonite Interactive

Paring nagdasal para magkasakit si Duterte, pinapaalis sa pagka-pari

By
3,361

Binuweltahan ng Malacañang si Father Noel Gatchalian na nagdasal para magkasakit si Pangulong Rod­rigo Duterte.

Pinahuhubaran ng abito ng Malacañang si Father Gatchalian dahil hindi gawang Kristiyano ang hangarin nito na sana magkasakit ang Pangulo.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nakakahiya ang nabanggit na pari dahil hindi nito taglay ang dapat mayroong karakter ng isang ala­gad ng simbahan.

Mas makabubuti ani Roque na umalis na lamang ito sa pagka-pari dahil hindi katanggap-tanggap na galing sa isang paring Katoliko ang naghahangad ng masama sa kanyang kapwa.

“Kakaiba po yan ga­ling sa isang pari. Hindi ko po alam kung ano ang pananampalataya ng paring ‘yan pero ang Kristiyano po hindi magdadasal para magkasakit ang isang tao. Nakakahiya ka Father, siguro po umalis ka na sa pagiging pari. It does not speak well of a christian faith,” ani Roque.

Ang kontrobersiyal na pahayag ni Father Gat­chalian ay mula sa ho­mily nito sa misang inialay kay Senator Antonio Trillanes IV sa Senado kahapon kung saan na-record ito ng media at nakunan ng video na agad kumalat sa social media.