Abante Tonite Interactive

Paring nakaka-turn off!

By
676

Maraming Pinoy ang nadismaya at na-turn off sa inasal ng isang paring Katoliko matapos mag-viral sa social media ang video ng homily nito kung saan ipinangalandakang ipinagdasal nito na magkasakit sana si Pangulong Rodrigo Duterte.

Puro banat at batikos ang inabot ng pari mula sa mga netizen dahil sa na­ging pahayag nito na tila ba nagyabang sa harap ng senador na minisahan nila kasama ang dalawa pang pari noong Huwebes nang hapon.

Bagama’t ikinatwiran ng pari na biro lamang ito, hindi pa rin magandang magbiro para sa kapahamakan ng ibang tao.

Mataas ang pagtingin ng mga Katoliko sa mga ala­gad ng simbahan pero kung ganito rin lang ang klase ng pari na maririnig kapag du­malo sa misa ay hindi bale nang hindi tapusin ang misa.

Hindi dapat sinisira ang pananampalataya at christian value sa pamamagitan ng pagkaladkad sa politika sa isang banal na se­remonya.

Paano ka igagalang ng publiko kung mismong sa seremonya ng banal na misa ay hahangarin mong magkasakit ang isang tao.

Hindi ganito ang itinuro noong mga bata pa kami sa katekismo sa religion subject namin, at lalong walang ganitong doktrina noong kumuha ako ng Theo­logy 1 ko hanggang Theology 4 sa kolehiyo.

Saang kumbento kaya natuto si Father? O baka naman kaya kulto ang napasukan nito kaya lisya ang naitatak sa kukote. Kakaiba ka Father! Hindi naman kasi nakapagtataka dahil kasama nito ang isa pang paring ang adbokasiya ay tumakbo para kontrahin at sakyan ang lahat ng isyu sa gobyerno kahit sino pa ang maupo sa puwesto.

Masyadong maluwag ang mga namumuno sa Romano Katolika sa bansa at hindi narerendahan ang kanilang hanay kaya naman natutong mag-ingay ang ilan sa mga ito sa labas ng pulpito.

Maraming mga deboto ang tahimik lamang na nagmamasid lalo na sa mga napapaulat na kontrobersyang kinasangkutan ng ilang pari, obispo at iba pang alagad ng simbahan na lumagpas sa limitasyon at lumabag sa batas at sa batas ng Diyos.

Ang ibang deboto ay tinabangan na sa pagsisimba habang ang iba naman ay lumipat ng ibang relihiyon dahil na rin sa nakikitang lisyang asal ng ilang alagad ng Diyos.

Panahon na si­guro para ipakita ng simbahan ang pag-aksiyon sa maling ginagawa ng ilang kasamahan dahil ang pananahimik at pagpapakita ng kawalang aksiyon ay maaaring maging mitsa ng pagkasira sa respeto at paniniwala ng maraming mga deboto sa mga alagad ng Simbahan.