Abante Tonite Interactive

Park Yoo Chun humagulgol sa fan meeting

2,911

NANG dahil sa naging sexual harassment case kasabay sa kanyang military service, matagal na nawala sa limelight ang South Korean actor na si Park Yoo Chun ng JYJ Entertainment.

Pero muli itong nagba­balik at una itong naramdaman sa pamamagitan ng matagumpay na fan meeting last March 10-11 sa Tokyo, Japan.

Naging positibo ang pagtanggap ng mga dati pa niyang tagahanga sa naturang fan meeting. Halos napuno raw ang Musashino no Mori Gene­ral Sports Plaza kung saan ginanap ang fan meeting at maging ang mga fan niya mula sa China ay nagpunta.

More or less, nasa 20,000 na mga fan ang um-attend. At dahil nga naging matagumpay ang event, nag-trending ito sa China at ang “Park Yoochun in Japan” ay pumasok sa top 10 searched topics sa China’s biggest social media platform, ang Weibo.

Hindi napigilan ni Yoochun ang maging emosyonal at maluha. Hindi ito masisisi dahil sa nangya­ring sexual harassment case at hiatus niya, maaaring iniisip niyang nawala na rin ang mga fan niya. Inilahad din niya sa mga fan ang mga pinagdaanan niya sa loob ng tatlong taon.

Inamin din ng nagbabalik na actor na ngayon, ayaw na raw niyang makipag-date at wala rin naman daw siyang idi-date, maliban sa kanyang mga fan.

Napaisip tuloy ang mga fan kung break na ba ang actor at ang mayaman niyang fiancée na si Hwang Ha Na, ang apo ng ­Namyang Dairy Products company. Pero may fan na nakapansin sa fan meeting na suot pa rin naman daw ng actor ang engagement ring nila.

May fan din na nag-tweet sa isa sa naging rebelasyon ng actor. Aniya, “There was a period when I used to hate the name Park Yoochun. I wanted him to disappear. I even thought it that should be the end. But now I feel that I still have a lot to do for you. I will work hard.”

Sa mga hindi nakakaalam, kasagsagan ng career ni Park Yoo Chun noong 2016 nang lumabas ang sexual assault accusation tungkol sa kanya mula sa ilang mga babae. At that time ay kapapasok lang din sa military service ng aktor.

Itinanggi ito ng kanyang agency at napatu­nayan din naman na hindi totoo ang lahat ng akusasyon sa kanya. Na-drop ang lahat ng kaso laban dito at idinemanda naman nila ng defamation at blackmail ang dala­wang babaeng nag-akusa ng sexual assault.

Nasentensiyahan ng dalawang taong pagkabilanggo ang isang babae at “not guilty” naman ang naging verdict sa isa.

Ilan sa mga K-dramas na pinagbidahan ni Yoo Chun ay ang Sungkyunkwan Scandal, Miss Ripley­, Missing You, Rooftop Prince at Missing You na pawang nag-hit lahat.

2015 pa nang huli siyang mapanood sa The Girl Who See Smells kaya ganun na lang ang pagkasabik sa kanya ng mga fans. Sila rin ang nanati­ling loyal sa kanya at hindi naniwala sa mga naging akusasyon sa kanya.