Abante Tonite Interactive

Parking, CR sa mga mall ilibre

366

Mukhang wala nang pag-asang maipasa ang isinulong na panukalang libreng parking sa mga mall. Sa muling pagbubukas ng Kongreso ay wala tayong naririnig na interesadong buhayin ang natenggang panukala. Sa dinami-dami ng naririnig nating isinusulong na panukala ay nakakalungkot na walang nagkainteres na ipaglaban ang lib­reng parking sa mga mall para sa kapakinabangan ng mga kababayan nating parokyano naman ng mga mall.

Aba’y tungkulin ng mga mall owner na magtalaga ng libreng paradahan sa kanilang mga customer. Pero kung talagang mahigpit ang kanilang panga­ngailangan, bakit hindi na lamang ilibre ang unang tatlong oras na pagparada para naman ipakita na may malasakit sila sa kanilang mga customer.

Dati ay may ilang mall ang naglilibre ng unang tatlong oras ng pagparada pero sa higpit ng pangangailangan ay ni-renovate nila ang kanilang mga paradahan para pagkakitaan.

Ang malupit pa ay may ilan ding mall ang nagpaganda ng mga comfort room para pagkakitaan. Nagkalat na ngayon sa mga mall ang CR na may bayad. Kaya kapag nag-CR ka mapipilitan kang pumasok sa may bayad dahil sa haba ng pila sa libreng CR sa mga mall. Kung hindi ka papasok sa may bayad na CR baka malasin ka at abutin habang nakapila.

Ang sa atin lang, wala na bang magagawa ang gobyerno sa mga tila lintang mga mall owner na halos lahat ay gusto nang sipsipin sa kanilang mga customer? Nakakahiya po ang sistema n’yo. Malayong-malayo sa mga patakaran sa ibang bansa na nagkalat ang libre, malilinis, may tubig, sabon at tissue na mga CR. Huwag naman kayo puro pakabig.

At ang apela natin sa Kongreso, pansinin niyo naman ang problemang ito dahil malawak ang apektado nito.