Abante Tonite Interactive

Party-list binaboy ng mga politiko — CBCP

273

Kumbinsido ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na pinaglalaruan ng mga politiko ang Republic Act 7941 o Party-list System Act kaya dapat itong muling pag-aralan at amyendahan.

Sinabi ni Fr. Jerome Secillano, exe­cutive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, na malinaw naman na ginagamit ng ilang politiko ang nasabing batas kaya hindi nagagampanan ng sistema ang tunay na layunin nito bilang kinatawan ng marginalized at underrepresented sector sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Aniya, karamihan sa mga nanalong party-list group ay nagagamit ng political dynasty at traditional politician para mapalawak at mapatatag ang kanilang impluwensiya.

Dagdag niya, namamayagpag ang mga malalaking politiko sa likod ng mga party-list group dahil may kakayahan sila na tustusan ang pagbuo nito.

Ikinalulungkot ng pari na naisasantabi ang mga lehitimong party-list group na tunay na kumakatawan sa marginalized sector.

“Tulad na lang ng Cardema para sa Duterte Youth, ito ang naging mukha ngayon ng kasalukuyang sitwasyon at kasalukuyang status ng party-list system. Na-bastardize na, nahaluan na ng politika at kitang-kita natin dito na napaglaruan na ang sistema,” ayon pa kay Secillano.

Gayunman, nangangamba rin si Secillano na hindi magtagumpay ang pag-amyenda sa RA 7941 dahil pinapakinabangan ito ng mga political dynasty. (Mia Billones)