Abante Tonite Interactive

Parusahan ang mga ‘baboy’

244

Habang nagkukumahog ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng pesteng African swine fever (ASF) na pumapatay sa mga alagang baboy, may ibang klaseng ‘baboy’ ang nagpapahirap sa paglutas ng problema — ang mga may-ari ng mga apektadong baboy.

Mantakin mong parang nahilo ang mga awtoridad natin nitong nakaraang linggo na matapos nilang inanunsiyo na ‘ASF’ free na sa isang lugar na tinamaan ng sakit sa mga baboy, aba’y nagbago ang kanilang tono kinahapunan para linawin na ‘kontrolado’ pa lang daw ang sitwasyon.

Pero ang malungkot, ang katotohanan pala ay hindi pa talaga lubos na kontrolado ang problema ng ASF na nakumpirma na sa ilang lugar sa Bulacan at Rizal. Mukhang lulubha pa ang problema dahil sa mga pasaway na nag-aalaga ng baboy na hindi ipinagbigay-alam sa mga awtoridad ang kalagayan ng kanilang mga alaga.

Ang nangyari marahil, itinago nila ang mga baboy nila sa takot na maisama sa mga sapilitang papatayin. Pero namatay rin malamang ang kanilang alaga, at ang mga hinayupak na may-ari eh basta na lang siguro itinapon sa ilog ang mga baboy. Ang resulta, inanod sa ibang lugar ang mga patay na baboy at nakarating sa Marikina at Quezon City.

Lumilitaw na posi­tibo sa ASF ang mga nakitang baboy na itinapon sa ilog.

Ang tanong na lang ngayon, makahawa kaya ang mga ito sa ibang babu­yan sa lugar na kanilang dinaanan at tinigilan? Bagaman wala raw masamang epekto sa tao ang ASF, papaano kaya sa mga isda? At kung maipasa kaya sa isda ang virus, ano ang mangyayari sa tao na makakakain ng isda?

Dapat na hanapin ang mga may-ari ng mga baboy na itinapon sa ilog para mapanagot dahil sa kalokohan nila. Aba’y hindi ba nila alam na P200 bilyong industriya ng pagbababoy sa buong Pilipinas ang nanga­nganib kapag tuluyang kumalat ang ASF? Sa ngayon ay ilang lugar pa lang sa Bulacan at Rizal ang idineklara ng Department of Agriculture na positibo sa ASF. Bagaman hindi raw gaanong marami ang nagbababoy sa Quezon City, baka maisama pa rin ito sa listahan. Samantalang ang Marikina naman ay bahagi ng Rizal.

Bukod sa Marikina at Quezon City, aba’y may mga patay na baboy rin na itinapon sa isang terminal sa Bambang, Nueva Vizcaya. Mabuti at hindi ASF ang dahilan ng kanilang pagkamatay. Pero aminado ang DAR na nadagdagan pa ang lugar na kanilang mino-monitor pero hindi nila sinabi kung saan para nga naman ‘di magkaroon ng panic.

Nakakalungkot na sa kabila ng mga paalala at pag-iingat ng pamahalaan, nakapasok pa rin sa Pilipinas ang ASF. Kasama na natin sa liga ang mga bansang China, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia, Ukraine, Vietnam, Zambia, South Africa, Czech Republic, Bulgaria, Cambodia, Mongolia, Moldova, at Belgium. Ang Japan, may sarili ring problema sa babuyan na tinatawag na Classical Swine Fever (CSF), na katulad din ng ASF ang tama sa mga baboy.

Kung napanatili sana nating ASF free ang Pilipinas, aba’y tiyak na maraming bansa na aangkat ng karne ng baboy sa atin. Pero dahil sa kasama nga tayo sa positibo sa ASF, natural matatakot na sila. Kahit nga ang mga kapwa natin Pinoy, natatakot nang kumain ng baboy kahit wala namang epekto raw sa tao ang ASF.
Ang delikado nito, bagaman sinasabing sa mga backyard o maliliit na babuyan lang ang nasasapul ng ASF, papaano kaya kung umabot ang sakit sa mga piggery ng malalaking kompan­ya? Baka pati sa mga supermarket eh wala nang baboy na mabili. Sabagay, mas healthy kung isda at manok na lang ang kakainin ng mga tao.

Kaya naman mahalaga na makipagtulungan ang mga nagbababoy sa gobyerno at i-report sa mga awtoridad kung nanghihina ang mga alaga nila at huwag itago — at lalong huwag itapon sa kung saan-saan kapag namatay dahil mas malala pa ang kababuyan nila sa mga alaga nila. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”