Abante Tonite Interactive

Pasabog ni Sandra Cam bumalik kay Atong Ang

By
7,975

Hindi lang sina Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Alexander Balutan at Chairman Jose Jorge Corpuz ang tatamaan ng ikakasang imbestigasyon ng Senado sa eskandalo sa ahensiya, kundi ang nagpaputok ng gulo na si board member Sandra Cam at ang kaibigan nitong gambling tycoon na si Charlie ‘Atong’ Ang.

Sa inihaing Senate Resolution No. 578 ni Senador Leila de Lima, hiniling ng senadora na hindi lang ang expose ni Cam ang dapat kalkalin ng Senado kundi ang isiniwalat nina Balutan at Corpuz.

Nagsimula ang gulo sa PCSO matapos isiwalat ni Cam na ginastusan ng P10 milyon ang Christmas party ng mga empleyado ng PCSO sa EDSA Shangri-La Hotel.

Bumuwelta naman sina Balutan at Corpuz at sinabing sinisiraan lamang sila ni Cam dahil sa bigo ito at ang kaibigan na si Ang na makontrol ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) sa buong kapuluan.

“Dapat talagang imbestigahan yung sinasabi ni Sandra Cam na di umano’y lavish o ma­garang Christmas Party ng PCSO. Pero, dapat rin imbestigahan yung akusasyon ng kabilang panig – nila GM Balutan at Chair Corpuz – sa di umano’y ‘personal agenda’ at ‘demolition job’ ni Sandra Cam dahil sa pansariling interes para mahawakan ang STL operations sa buong bansa. Hindi puwedeng one-sided lang ang imbestigasyon. Let’s be fair here,” diin ni de Lima sa sulat kamay na mensahe mula sa Custodial Center sa Camp Crame kung saan ito nakakulong.

“Kasi kung totoo yung mga sinasabi nila GM Balutan at Chair Corpuz, dapat tayong mabahala. Napakahalaga ng mandato ng PCSO dahil nakakatulong ito sa mga proyekto para sa mga mahihirap. So hindi puwedeng nahahaluan ang mga gawain nito o nasisira ang mga ope­rasyon nito dahil sa pakikialam ng mga personalidad na may kahinahinalang karakter at hindi mapagkakatiwalaan. At hindi dapat binibigyan ng puwesto sa gobyerno ang mga ganyan, mga shady characters katulad ni Sandra Cam.”diin pa ng senador.

Binanggit pa ng senador na ang isinisulong niyang imbestigasyon sa gulo sa PCSO ay nakaangkla sa Article XI Section 1 ng Konstitus­yon, gayondin sa Section 2 ng Republic Act No. 6713 na kilala sa tawag na “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.”