Abante Tonite Interactive

Pasahero nahulihan ng mga bala sa MRT

0 239

Nabigong maipuslit ng isang pasahero ang dalang isang magazine at walong piraso ng bala ng kalibre 45 baril sa kanyang bag habang papasakay sa North Avenue Station ng Metro Rail Transit (MRT) 3 sa Quezon City kahapon nang umaga.

Ang nadakip ay nakilalang si Don Ray Aurelio Adina, 36, binata, private employee, at taga-no.21 Sampaguita St., Dona Mercedez Village, Meycauyan Bulacan.

Siya ay dinakip dakong alas-7:30 nang umaga (Mayo 15) nang maispatan ni Maricris Molleda, ladyguard na X-ray machine operator, ang kahina-hinalang bagay na nasa loob ng bag ni Adina habang papasakay sa MRT sa southbound ng North Avenue Station.

Tumanggi namang magbigay ng detalye ang suspek kung bakit may dala itong mga bala ng baril at kung saan ito dadalhin.

Nasa kostudiya ngayon ng Regional Mobile Force Battalion ng PNP sa Shaw Boulevard ang suspek, na posibleng maharap sa kasong paglabag sa RA. 10591 at Omnibus Election Code (possession of ammunition). (Dolly Cabreza)