Abante Tonite Interactive

Pasahero nalaglag sa pasaway na bus driver

451

Armida Rico

Iniimbestigahan ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang bus driver na inireklamo ng isang babaeng commuter matapos ibaba sa hindi tamang babaan sa EDSA na naging sanhi upang mahulog ito.

Nagtungo kahapon ang commuter na si Mary Joy Eata, 39, sa tanggapan ni Roy Taguinod, MMDA Traffic Discipline Office Director upang magharap ng reklamo laban kay Diomedes Llames, driver ng Original Transport Service Multi-Purpose Cooperative, na may plakang AAQ 6902, na biyaheng Fairview, Quezon City.

Sa 2-pahinang reklamo ni Eata, alas-4:55 kamakalawa ng hapon nang ibaba siya ng driver malapit sa Ortigas-EDSA Flyover kung saan mahigpit na ipinagbabawal na magbaba at magsakay dito dahil mapanganib ang lugar.

Dahil sa ginawa ng driver, nahulog umano mula sa bus si Eata, nasugatan at na-trauma sa sinapit.

Nang magharap ang dalawa sa tanggapan ni Taguinod, sinabi ng driver na tumalon umano ang pasaherong si Eata dahilan para mahulog ito sa bus, na siya namang nakita sa CCTV footage.

Inamin naman ni Llames na kahit nakita niyang nahulog si Eata ay hindi siya tumigil.