Abante Tonite Interactive

Pasahero ng MRT-3 inaresto sa bomb joke

0 277

Binitbit sa himpilan ng pulisya ng mga guwardiya ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 ang isa nilang pasahero matapos na magbiro na may dala siyang bomba sa Cubao station sa Quezon City kahapon nang umaga.

Ayon kay MRT Director for Operations Mike Capati, dakong alas-9:30 nang umaga habang nag-iinspeksiyon ng mga bag ng mga pasahero ang kanilang guwardiya sa Cubao station nang sabihin ng pasaherong pansamantalang hindi pina­ngalanan na may dala umano siyang bomba.

Dahil dito inaresto ng mga guwardiya ang pasahero pero nang dadalhin na sa Cubao Police Station 7 ay tumanggi pa itong sumama dahil nagbibiro lang umano siya.

Nasa kostudiya ngayon ng Cubao Police Station 7 ang pasahero na kakasuhan ng paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law na may katumbas na multang hindi lalagpas ng P40,000 at pagkabilanggo ng hanggang limang taon. (Dolly Cabreza)