Abante Tonite Interactive

Pasaherong tumepok sa Grab driver tinutugis

0 601

Patuloy sa pagtugis ang mga awtoridad sa isang pasahero na nakitang huling nagpa-book sa grab driver na natagpuang patay at may tama ng bala sa ulo sa Quezon City, nitong Nobyembre 30.

Ayon kay PSSg. George Caculba, imbes­tigador ng Crimi­nal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima ay si Henrich Villarosa Escudero, 33, grab driver, taga-Sierrra Vista Subd., Cupang, Antipolo, Rizal.

Ang duguang bangkay ay natagpu­ang nakalugmok sa driver’s seat ng minamanehong Toyota Vios at may tama ng bala ng baril sa likod ng ulo, alas-singko ng mada­ling-araw.

Unang ini-report sa QCPD Traffic Sector 3 nitong Disyembre 1, na sumalpok ang minamanehong sasakyan ng grab driver sa konkretong barrier sa Katipunan Avenue, at nag-U Turn sa harap ng MWSS patungong CP Garcia Avenue sa lungsod.

Agad na isinugod ang biktima sa Quirino Medical Center subalit idineklara itong dead-on-arrival bandang alas-6:07 ng umaga sanhi ng tama ng bala ng baril sa ulo.

Agad ipinagbigay alam ng QCPD Traffic Sector 3 sa CIDU na hindi dahil sa aksidente o pagkakabangga ng sasakyan ang ikinamatay ng driver kundi binaril ito sa ulo. (Dolly Cabreza)