Abante Tonite Interactive

Pasaklolo sa Korte Suprema

312

Desidido ang Senado na dumulog sa Supreme Court (SC) sa isyu ng pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA).

Punto ng Senado, ­gusto nilang linawin sa SC ang papel ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa pagpapawalang bisa ng kasunduan dahil sila naman ang nagratipika nito.

Ayon kay Senate ­President Tito Sotto, kumbaga sa golf, ang mga isasabak nila sa SC ay ang mga pro, sina Senate Minority Leader Franklin Drilon at ­Senator Richard Gordon.

Pinagtibay rin ng Senado at pinirmahan ng 17 senador ang Senate Resolution 310 o Sense of the Senate na humihiling kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag ibasura ang VFA at hayaan ang Senado na ito’y marepaso.

Agad namang tumayo sa plenaryo ang limang senador na identified sa Palasyo at nilinaw na sila ay nag-abstain at hindi bumoto sa ­naturang ­resolusyon.
Ang mga ito ay sina Senador Cynthia Villar, Imee Marcos, Pia Caye­tano, Bong Revilla, Francis Tolentino at Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

Nasita kaya sila ng Malacañang dahil ­nakalusot ang naturang resolusyon?
Dahil rito, ­lumutang na nakikipagbanggaan umano ang Senado sa ­Malacañang.
Sabi ni Lacson, wala itong basehan dahil ang isyu ng VFA ang gustong linawin ng Senado sa SC.

Giit ni Lacson, hindi pini-personal at walang intensyon na personalin ng Senado si Pangulong Duterte. Nirerespeto anya ng mga senador ang desisyon ng Pangulo kahit hindi sila kinonsulta.

Dagdag pa ni Lacson, kung ito lang ang ­dahilan ng pagpapatalsik kay Sotto bilang Senate President, tiyak na hindi ito makakakuha ng suporta sa mga kasamahang ­senador.

Technically, walang bisa na ang VFA kahit epektibo pa ito matapos ang 180 araw pagkatapos na maisilbi ang notice of termination.

Matatagalan din ang panibagong bersyon ng VFA sa Korea, Indonesia at Japan dahil dadaan ito sa mahabang konsulta­syon bago pagtibayin ng Senado.

Sa ngayon, dapat ­tutukan na ng gobyerno ang modernization program ng Armed Forces of the Philippines para makumbinsi ang publiko sa sinabi ni AFP Chief of Staff Felimon Santos Jr. na, “We can live without VFA”.