Abante Tonite Interactive

Pasaporte huwag ikolateral

363

Nabahala naman tayo sa isang nalathalang ulat patungkol sa pagkakakumpiska ng Hong Kong Police sa may 1,400 mga pasaporte ng ilan nating mga kababayang overseas Filipino worker (OFW).

Ang nasabing mga pasaporte ay ikinola­teral daw ng ilan na­ting kababayan sa isang lendin­g company sa HK.

Dahil may problema ang kompanya sa gobyerno ng Hong Kong ay nadamay at kinumpiska ang mga passport ng ating mga kababayang parokyano ng negosyante sa pagpapautang.

Hindi talaga maiwasang mangutang ng mga kababayan nating OFWs lalo na’t gipit ang mga kaanak sa ‘Pinas pero huwag naman sanang humantong sa pagsasangla natin sa ating pasaporte.

Napaka-importante ng pasaporte lalo na’t nasa ibang bansa, kaya huwag natin itong ipaubaya sa ibang tao o gamitin kapalit ng kahit magkanong halaga, panatilihin natin ito sa ating pangangalaga sa lahat ng pagkakataon.

***
Patuloy na nakakatikim na birada si Marinduque Cong. Lord Allan Velasco dahil sa mariin nitong pagtanggi sa suhestyong term-sha­ring sa pagka-Speaker ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Humantong pa nga sa puntong pinulaan ito ng ilang kritiko at tinawag na matigas ang ulo dahil mistula umano nitong sinuway ang panukalang hatian ng termino nila ng isa pang kaalyado ng gobyerno na si Taguig Alan Peter Cayetano.

Sabi-sabi umokey na pala si Cayetano sa term-sharing agreement kay Velasco upang matapos na ang sigalot sa karera sa magiging speaker ng Kamara bagay na hindi sinakyan ni Velasco sa paniniwalang dapat ay iisang tao lamang ang dapat na maging speaker.

Sabagay kani-kaniyang paniniwala ‘yan. Pero kung ang Pangulo na mismo ang naglatag ng suhestyon tapos dinedma ay ibang isyu na.

Kanya nga lamang maaring may lehitimong rason si Velasco sa pagtanggi habang ang Pangulo naman ay alam natin ang panguna­hing rason at ito ay para matapos na ang isyu at hindi na siya kulitin sa pagpili ng magiging pinuno ng Kamara.

Kumbaga gentleman’s agreement sana kung nagkasundo at maaring mauwi ito sa kapanatagan ng Pa­ngulo lalo na’t batid nito ang kakayahan ng dalawang kandidatong naggigirian sa puwesto.

Unang-una subok na si Cayetano sa pamumuno at kaniya na itong naipamalas nang ma­ging kalihim ng Foreign Affairs, maging Senador at maging local government official.

***

IIsa ang posisyon nina Pangulong Duterte at Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa jueteng at iligal na droga.

Ayon kay Dela Rosa sa iligal na droga maraming namamatay habang sa iligal na sugal katulad ng jueteng ay maraming nabubuhay at pareho sila dito ng paniniwala ng Pangulo.

Sang-ayon tayo sa puntong ito pero hindi ibig sabihin nito ay ititigil na ng pamahalaan ang pagsugpo sa iligal na sugal lalo na’t ito ang kadalasang ugat kaya nagiging masama ang mga politiko at mga opisyal at tauhan ng pulisya at militar.