Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pasasalamat na may sarili ng COVID test lab ang Maynila

0 409

Bago ang lahat, ang aming taos-pusong pasasalamat sa national government sa ilalim ng ating mahal na Pangulong Rodrigo Roa-Duterte at siyempre pa, sa Department of Health (DOH) na pinamumunuan ng walang kapagurang si Secretary Francisco Duque III, sa pagbibigay sa lungsod ng Maynila ng ating pinakahihintay na License to Operate (LTO) na nagbibigay-daan upang ang lungsod ay makapagpatakbo ng sarili nitong testing laboratory para sa COVID-19 cases.

Noong Huwebes ay masayang ni Dr. Grace Padilla, director ng Sta. Ana Hospital kung saan naroon ang Manila Infectious Disease Control Center (MIDCC) na humahawak sa COVID-19 patients, ang naturang LTO sa akin at kay Vice Mayor Honey Lacuna pagkakuhang-pagkakuha niya nito, dahil alam din niya kung gaano namin ito kagusto. Ang testing laboratory ay kung saan dinadala ang mga swab test samples para sa analysis at upang makumpirma kung ang isang pasyente ay positibo sa coronavirus.

May limang linggo din ang aming binuno upang makuha ang LTO, na naibigay din matapos naming makumpleto ang lahat ng itinakdang requirements.

Di na kami nag-aksaya ng panahon at nun ding oras na iyon ay sinabi namin kay Dr. Padilla na magsagawa ng ‘dry-run’ sa mga pasyente ng MIDCC. Kasalukuyan ay may di bababa sa 50 pasyente ang kumpirmadong may COVID-19 at inaalagaan sa MIDCC.

Plano naming gamitin ang mga nalalabing araw ng kasalukuyang buwan para sa nasabing dry-run ng aming bagong COVID-19 testing laboratory upang pagdating ng Hulyo ay maari na itong magamit nang todo o ‘full blast,’ ika nga. Ayon kay Dr. Padilla, may kabuuang 60 hanggang 70 pasyente ang maaring sumailalim sa buong proseso ng confirmatory testing kada shift kaya aabot ng 120 pasyente o mahigit ang maaring ma-accommodate ng health personnel na nagsasagawa ng nasabing test kung dalawang shifts sila. Ang kabuuang proseso ng confirmatory test ay inaabot ng isa’t kahalating oras at ang resulta ay maaring malaman sa loob ng araw ding iyon.

Malaki ang aming pasasalamat kina Pangulong Duterte at Sec. Duque dahil sa malaking tulong sa ginagawa ng pamahalaang-lokal upang mabawasan at magamot ang COVID patients sa Maynila.

Ang pagkakabigay ng LTO ay ang pinakahuling hakbang na aming hinihintay na siyang kumumpleto sa aming mga pagsisikap na labanan ang coronavirus na hanggang sa isinusulat ito ay patuloy na kumikitil sa buong mundo.

Sa pagsisimula pa lamang ng national health emergency ilang buwan nang nakalilipas, ang lungsod, sa pamamagitan ng pagsisikap ni Manila Health Department chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, ay agad na nagsagawa ng agresibong programa upang mag-test ng marami hanggang kaya, upang matukoy ang mga virus carriers at agad silang maihiwalay at mapigilan ang pagkalat nito sa mga komunidad.

Sinundan namin ito ng pagtatatag ng 12 quarantine facilities na nakakalat sa anim na distrito ng lungsod. Mapalad naman tayo na bago pa man ang itinakda naming target na makumpleto ang aming planong 400 bed capacity ay umabot sa mahigit 500 bed capacity ang aming natapos.

Sa mga nasabing quarantine facilities na ‘yan dinadala ang mga taga-Maynila na nagpo-positibo sa rapid testing. Doon, sila ay isasailalim sa swab testing at maghihintay ng resulta. Dun na din pumapasok ang matinding hamon.

Ang mga sample ng swab tests ay dinadala sa testing laboratory, kung saan gumagamit ng real time reverse transcription–polymerase chain reaction (real time RT–PCR), na isa sa mga pinaka-accurate laboratory methods para sa pag-detect, tracking at pag-aaral ng coronavirus.

Dito gumagastos ang pamahalaang-lungsod ng may P10 milyon kada buwan. Bawat confirmatory test na kasama na ang buong proseso hanggang lumabas ang resulta, ang gastusin ay umaabot ng mula P5,000 hanggang P8,000 kada isa at ito ay malaking kabawasan sa pondo ng Maynila, kaya’t kami ay nagpasyang magkaroon ng sariling testing laboratory.

Sa laki ng populasyon ng Maynila na aabot ng may dalawang milyon— batay sa bilang ng binigyan ng quarantine passes na hindi bababa sa 670,000— walang duda na kakailanganin namin ang mas maraming ganitong uri ng test lab upang ma-accommodate ang mas maraming residente na nagpa-positive sa rapid tests na aming patuloy na isinasagawa. Ito ang dahilan kung kaya’t dalawa pang karagdagang testing laboratories ang aming itinatayo sa kasalukuyan.

Gaya ng nasabi ko, ang pagkakaroon namin ng LTO ang siyang kumupleto sa aming mga pagsisikap sa paglaban sa COVID-19, ayon na din sa CODE (contain and delay)-COVID 19 program ng Maynila, kung kaya’t lubos namin itong pinagpapasalamat.

Gayunman, ang susi pa rin sa pagtatapos ng pandemic ay disiplina sa hanay ng mga tao. Kung hindi natin ipagpapatuloy ang mga itinakdang protocols gaya ng pagsusuot ng face masks, pagsa-sanitize sa ating mga kamay nang madalas hanggang kaya at pagsunod sa tamang physical distancing, lahat ng pinagsisikapan ng gobyerno ay maba-balewala lamang.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.

Leave A Reply

Your email address will not be published.