Abante Tonite Interactive

Pasaway

340

Hindi madaling maging magulang lalo na sa panahon ngayon na ang “tweeners” at teenagers ay naiimpluwensiyahan ng exposure sa social media. Lumiit na ang mundo, kaya’t agad na nakakapulot ang mga bata ng susunding uso. ‘Di bale sana kung ang susundin nila ay makakabuti sa kanila. Paano kung sila ay mapapariwara?

Adventurous, pumapasok sa mga alanganin, mala­lakas ang loob – hindi na nga alintana ng ilang mga bata kung kapahamakan ang susuungin nila.

Kabilang sa mga risky behaviors ng mga teenagers ang maagang pakikipagtalik, pag-inom ng nakalala­sing na inumin, paninigarilyo at paggamit ng mga ipi­nagbabawal na gamot. Karamihan sa mga ito ay madali nilang na-o-order online, lalo na sa deep dark web.

Kakula­ngan ba ng disiplina ang dahilan kung bakit ganito kaagresibo ang kabataan, at hindi na rin sila basta nakikinig sa kanilang mga magulang?

Ayon sa isang psychiatrist na si Dr. Rainier Umali, ang pagiging subsob sa trabaho ng mga magulang o ang pagi­ging absent nito nang matagal sa pa­milya, lalo na kung nag-a-abroad, ang kadalasang nagiging dahilan ng pagwawalwal ng ilang kabataan.

Ang mga produkto ng broken home o karahasan sa bahay ang nagkakaroon din ng ganitong behavioral changes. Pero maaari rin namang maging ganito ang mga sobra namang nai-spoil – ang kabataang lahat na yata ng material na gusto ay ibinibigay ng mga magulang.

Mapapansin na lang ng mga magulang na may kakaiba sa kanilang mga anak kapag hindi na ito madalas na nakikita sa bahay o kapag sumasagot-sagot na kapag sinisita. Minsan ay mas mala­kas pa ang boses ng bata sa matanda.

Pero hindi ito dapat sagupain ng mala­kas ding boses ng magulang, ayon kay Dr. Umali. Mas mabuting kalmado ang tono kapag nakikipag-usap sa anak.

Related Posts

Huwag gamitin ang accu­sing tone. Huwag silang tanungin kung bakit ganoon ang kanilang pag-uugali. Ang tamang tanong ay: Ano ba ang dahilan ng pagiging mainitin ng ulo mo, o hindi pagpasok sa eskuwela, o pagkuha ng gamit ng may gamit? Sabay n’yong hanapin ang solusyon sa problema.

Iwasan din na bigyan ang mga batang-bata pa ng gadgets na maagang mag-e-expose sa kanila sa social media.

Disiplina pa rin ang susi. Maging strikto sa mga anak sa tamang paraan at dapat ay magkasundo ang mga magulang sa paraan ng pagdidisiplina sa anak, ayon sa psychiatrist. Huwag aniyang may good cop at bad cop sa mga magulang.

Tingnan din kung kailangan ng me­dical attention ng bata lalo na kung posibleng may mental health problem ito. Obserbahan kung napapadalas ang mood swings ng mga anak – ‘yung mula sa pagiging sobrang saya ay bigla na lang magagalit o iiyak.

Patingnan din kung mayroon silang non-convulsive epilepsy. Ang mga nagbabago ng pag-uugali ay maaaring may problema pala sa firing ng nerve cells sa kanilang utak.

Kung maagang makikita at matutulungan ang mga batang may behavio­ral changes, at kapag posi­tibo ang pananaw ng magulang, matutulungan ang kabataan na maiwasang masira nila ang kanilang sarili – psychologically at physically.

* May maitutulong ang National Center for Mental Health sa kabataang may pabago-bagong pag-uugali, nade-depress o suicidal. Mag-text sa 0917-899-8727 o tumawag sa 989-8727. Ang crisis hotline ay bukas 24/7. Maaari ring magpadala ng mensahe sa Facebook Page: MRS. CARIÑOSA MAY ASIM PA para maiugnay namin kayo sa makaka­tulong na professionals.