Abante Tonite Interactive

Pasaway na LGU parusahan

176

Dear Abante Tonite:

Magpapatupad na naman daw ng road clearing ­operation ang Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil napansin nilang nagbabalikan ang mga pasaway sa kalye.

Totoo po ito. Talaga yatang matitigas ang ulo ng iba nating kababayan na kapag nariyan ang mga alagad ng batas ay masunurin subalit kapag hindi na sila ­binabantayan ay back to normal sa kanilang gawain.

Kung tutuusin ay hindi na dapat trabaho ng national government na paulit-ulit pagsabihan o ipaalala sa mga local government unit ang kanilang mga responsibilidad. Mandato ng mga pamahalaang lokal na ayusin at linisin ang kanilang mga nasasakupan.

Mas kabisado ng mga LGU ang nangyayari sa kanilang lugar. Dapat may kusa silang aksyon at hindi na kailangan pang paalalahanan ng national government.

Kaya bumabalik ang mga pasaway sa kalye dahil hindi binabantayan at hinuhuli ng mga nakakasakop sa isang lugar halimbawa ang mga opisyal ng barangay.

Kaya pabor po ako na sampahan ng kaso ng DILG ang mga LGU na pasaway rin sa utos sa kanila na walisin ang mga nakakasagabal sa kalye, mga daraanan ng tubig, at nagtatapon ng basura sa bawal na lugar.

Marco ng Marikina City