Abante Tonite Interactive

Pasaway na mga menor de edad sampolan

477

Nakakagalit at nakakakulo ng dugo ang ­ginawa ng tatlong menor de edad sa isang tindero ng lobo matapos silaban ang mga paninda nito na naging dahilan para masunog ang braso at bahagi ng ulo nito.

Sari-saring reaksyon sa mga netizen ang viral video kung saan halos isumpa ang tatlong kabataang gumawa nito.

Kung nakakamatay lang ang mga batikos at pinakawalang galit ng publiko ay tiyak na naglaho na sa mundo ang mga pasaway na kabataan.

Hindi nakapagtataka kung bakit malakas ang loob ng mga menor de edad na gumawa ng krimen na para sa kanila ay “trip trip lang”. Ito ay dahil alam ng mga batang ito na hindi sila makukulong dahil sa ­Juvenile Justice and Welfare Act ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan.

Sa ilalim ng nabanggit na batas, ang mga batang nakagawa ng krimen na may edad kinse pababa ay ­ligtas sa pananagutan at hindi rin makukulong, bagkus ay ilalagak lamang sa superbisyon ng ­Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Marami nang insidente ng krimen na nangyari sa Metro Manila na kagagawan ng mga menor de edad pero tila wala man lang mga mambabatas na nakaisip na amyendahan ang nabanggit na batas, at babaan ang edad ng mga dapat parusahan.

Mas mahalaga yata sa mga senador at kongre­sista ang ibang bagay kaysa ang pagtiyak sa kaligtasan ng publiko sa kamay ng mga salot na menor de edad na ito.

Kapag naman kinanti ang mga salot na batang ito ay tiyak aalma ang mga nagmamagaling na mga grupong nagmamalasakit kuno, at pati mga kunsintidor na mga magulang ay magpapaawa at mananawagan sa media.

Hoy mga ate, mga kuya, dapat kayo ang ikinukulong dahil pinapabayaan ninyong lumaking gago at salot ang mga anak ninyo. Ang kanilang asal ay repleksyon kung paano ninyo sila pinalaki at ginabayan.

Ang simpatiya ng publiko, lalo na ang mga taga-lungsod ng Maynila ay nasa vendor na nalapnos ang braso at bahagi ng ulo dahil sa pagliyab ng kanyang mga lobo.

Nakarating na ang insidente kay Manila Mayor Isko Moreno matapos itong padalhan ng video at gaya ng dapat asahan, galit ang alkalde at winarningan ang tatlong menor de edad na huwag magkamaling maabutan sila sa kalsada bago mag-alas-10:00 ng gabi.

Malapit lamang ­aniya ang Pandacan sa ­Pasig River, at tukoy na rin ng mga awtoridad kung saan nakatira ang ­tatlong salot na menor de edad.

Nagbanta ang ­alkalde na makukulong ang magulang ng tatlong bata kapag hindi naging maganda ang paliwanag ng mga ito, dahil kung may batas na nagpoprotekta sa mga salbaheng menor de edad, mayroon din aniyang batas ang Lungsod ng Maynila para sa mga pasaway at lumalabag sa batas.

Abangan natin ang paghaharap ng talong salot na menor de edad at ni Mayor Isko, pati na rin ang kanilang magulang. Pero mas interesado ako sa hustisyang dapat makuha ng kawawang tindero.