Abante Tonite Interactive

Pasaway na mga vendor sa underpass binitbit ng pulis

265

Binitbit ng mga tauhan ng Manila Police District – Special Mayor’s Reaction Team ang may 9 na pasaway na mga ambulant vendor na naaktuhang naglatag ng kanilang mga paninda sa Manila City Hall kahapon nang umaga.

Isinagawa ang operasyon matapos makarating sa tanggapan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na may mga vendor pa rin na nagtitinda sa lugar.

Una nang iniutos ni Moreno ang ‘zero vendor’ policy sa Lagusnilad underpass at sa Arroceros Street na nasa paligid lamang ng Manila City Hall.

Ayon kay CSF Chief Ret. Lt. Col. Arsenio Riparip, ang mga inarestong vendor ay tinurn-over sa Manila Police District (MPD) Station 5 at isinailalim sa inquest proceeding kay City Asst. City Prosecutor Justiniano Allienda Jr.

Matatandaan na sinabi ni Moreno na hindi na nito papayagang mapuwestuhan ng mga vendor ang Lagusnilad underpass dahil nais niya itong maibalik sa publiko upang maging kombinyente ang kanilang pagdaan at nais din nitong mapanatili ang kalinisan sa nasabing lugar. (Juliet de Loza-Cudia)