Abante Tonite Interactive

`Pasaway’ Vico target ng NBI

2,274

Pinagpapaliwanag ng National Bureau of Investigation (NBI) si Pasig City Mayor Vico Sotto hinggil sa paglabag umano nito sa Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act para sa ipinatutupad na enhanced community quarantine.

Batay sa liham ng NBI kay Sotto, ipinabatid sa alkalde ang isinasagawang imbestigasyon ng Anti-Graft Division ng ahensya hinggil sa mga posibleng paglabag ng mga local government unit o executives na hindi sumusunod sa guidelines ng pamahalaan para sa pagpapatupad ng community quarantine.

Partikular na hinihingan ng paliwanag ng NBI si Sotto sa diumano’y paglabag sa Section 6 ng RA 11469 o ang patuloy na operasyon ng mga tricycle sa nasasakupan nitong lungsod.

Sa liham ng NBI na may petsang Abril 1, 2020, nakasaad na magpadala ng kinatawan si Sotto sa tanggapan ng Anti-Graft Division sa NBI national headquarters sa Maynila sa darating na Abril 7.

Pinadadala rin sa kanya ang mga kaugnay na ordinansa, issuances, plans at programs ng Pasig City at iba pang dokumento na may kinalaman sa implementasyon ng enhanced community quarantine.

May kinalaman ito sa pagpayag diumano ni Sotto na magpasada pa rin ang mga tricycle sa kanilang lungsod sa kabila ng ipinagbawal na ito alinsunod sa guidelines para sa enhanced community quarantine,

Pinaliwanag na dati ng alkalde na kinakailangan ng mga health care worker na makapasok sa kanilang mga trabaho at may mga emergency rin na ang magagamit lamang na transportasyon ay mga tricycle.

Sotto: Wala akong nilabag na batas

Nanindigan naman ang alkalde na wala siyang nilalabagna batas.

“`From the start of the community quarantine in all its variations, we have fully complied with all directives of the national government,’’ pahayag ni Sotto sa isang press conference na ginanap kagabi matapos lumabas ang ulat hinggil sa pag-iimbestiga sa kanya ng NBI.

Sabi ni Sotto, ipinasa ang Bayanihan to Heal as One Act noong Marso 24 samantalang ipinatigil naman ang pagpasada ng mga tricycle sa Pasig City noon pang Marso 19.

“Malinaw na wala kaming ginawang paglabag sa batas na `yon, it did not even exist during the time of the issue,” ani Sotto.

Showbiz pumalag

Ilang celebrity naman ang hindi napigilan ang sarili na magkomento sa kinakaharap na imbestigasyon ni Sotto.

Kinuwestiyon ni Angelica Panganiban ang paghingi ng paliwanag ng NBI

kay Sotto pagpayag ng alkalde sa mga tricycle driver na bumiyahe kahit pa may transportation ban dahil sa enhanced community quarantine sa Luzon kontra COVID-19.

Anang aktres, bakit kung sino pa umano ang nakatutulong ay siya pa ang kakasuhan habang ang nagkalat ng virus sa Makati Medical Center ay hindi.

Pinatutungkulan ng aktres si Senador Aquilino `Koko’ Pimentel III na lumabag umano sa quarantine protocol dahil sa kabila na person under investigation (PUI) ito sa COVID-19 ay sinamahan pa ang kanyang manganganak na asawa sa ospital. Habang nasa ospital ay nalaman namang positibo pala siya sa virus.

“Wala silang mapag-initan. Si mayor vico talaga? Kung sino pa may natutulong at maayos na sistema, siya pa kakasuhan? HANEP! Eh nasan na yung nagkalat ng virus sa makati med? So far kasi yun palang nagagawa niya. Ikalat ang virus. Mapapamura ka na lang pala talaga,” tweet ng aktres. (With Nancy Carvajal)

Tonite – Wendys Inhouse Ad