Abante Tonite Interactive

Pasay City LGU, pulisya partner vs kriminal

0 229

Tinanggap kahapon nina Southern Police District (SPD) director P/BGen. Nolasco Bathan at Pasay City Police chief P/Col. Bernard Yang ang 40 bagong motorsiklo na binigay ng pamahalaang lungsod ng Pasay bilang tulong para sa mas maigting na kampanya kontra kriminalidad.

Si Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano ang nag-turnover sa mga motorsiklo kina Bathan at Yang sa presensiya naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/MGen. Guillermo Eleazar.

Sinabi ni Yang na mapupunta ang 40 motorsiklo sa Tactical Motorcycle Riders Unit (TMRU) para magamit sa pagpapatrulya at agarang pagresponde tuwing may krimen sa kalsada.

Nabatid na simula noong Marso 8 hanggang Agosto 31 ngayong taon ay bumaba ng 13.73% ang crime rate sa lungsod, ayon sa accomplishment report ng Pasay City Police.

Sa anti-illegal drugs operation campaign, umabot na sa 720 ang naisagawang operasyon ng mga pulis kung saan 1,106 katao ang inaresto at P2.15 milyong droga ang nasabat.

May 269 na mga wanted person ang naaresto, 45 loose firearms ang nakumpiska sa 40 indibidwal, at 4,036 katao ang nahuling lumabag sa mga ordinansa sa buong lungsod. (Armida Rico)