Abante Tonite Interactive

Pasensiya pa ngayong ‘ber’ months

0 204

SPY ON THE JOB
Rey Marfil

Dahil ‘ber’ months, asahan na parang si­rang plaka na naman nating madidinig nang paulit-ulit ang mga kanta ng ating idol na si Jose Mari Chan; at kasabay nito eh lalo pang masusubok ang pasensiya natin sa trapik.

Dahil nga ‘ber’ months na, asahan din na mapapadalas na naman ang ‘sale’ sa mga mall na isa pang dahilan ng pagsisikip sa daloy ng trapiko — hindi lang sa EDSA, kung hindi maging sa mga secon­dary roads.

Habang ginagawa natin ang pitak na ito, wala pa tayong balita kung anong plano ng MMDA sa mga mall kung kailan dapat gawin ang kanilang ‘sale’ at kung mag-a-adjust ba uli ng pagbubukas at pagsasara ng mga tindahan.

Hanggang ngayon, wala pa ring nakikitang linaw kung papaano mapapaluwag kahit man lang bahagya ang trapik sa EDSA. At ngayong inabutan na ng ‘ber’ months, asahan na lalo pang sisikip ang trapik dahil sa tinatawag na ‘holiday rush’.

Mantakin niyo, dahil sa pagiging desperado na ng ilan na mapaluwag ang EDSA, may nakakaisip nang gawin itong ‘one way’ na lang papuntang south.

Kung babalik naman sa north, sa C-5 Katipunan naman dadaan. Tanong ng ilan nating tsokaran, hindi ba mapapalayo ang biyahe ng ibang galing sa dulong bahagi ng norte kapag pabalik na sila galing south?

Hindi lang iyon, posibleng lumuwag nga ang EDSA one way going south, pero ma­laking tanong kung ganito rin ang mangyayari sa C-5. Sa C-5 kasi dumadaan ang napakaraming truck, habang sa EDSA nagsisiksikan ang napakaraming bus.

Hanggang ngayon, wa epek pa rin ang mas pinahigpit na pagpapatupad ng ‘yellow lane’ sa mga bus.

Problema pa rin kasi na binabarahan ng mga bus ang mga daan na palabas ng EDSA na nakakadagdag sa trapik. Pero tingnan natin mga tsong kung ano ang magiging epekto sa trapik kapag nagbalik sa EDSA ang mga PNP-HPG personnel para gawing ‘panakot’ sa mga pasaway na motorista at driver ng mga pampublikong sasakyan.

Sa loob ng tatlong taon ng kasaluku­yang administrasyon, kung ano-ano na ang bina­lak nilang ipatupad sa EDSA, na ang iba eh hindi naman nagawa ng pag-ban sa mga sasakyan na driver lang ang sakay. May nakaisip din na gamitin ang mas matinding ‘coding’ scheme dahil sobra-sobra na raw talaga ang dami ng sasakyan na dumadaan sa EDSA. Biro ng isa nating tsokaran, bakit hindi raw kaya ipagbawal sa EDSA ang mga sasakyan na hindi pa ‘fully paid’.

Habang wala pa talagang naaninag na sagot sa tanong kung papaano mapapaluwag ang EDSA, ang kailangan talagang gawin na masasabing ‘posible’ eh pahusayin na, as in ASAP ang MRT-3. Ito lang talaga ang alternatibong transportasyon ng mga tao. Kung makikita ng mga motorista at pasahero ng bus na madali ang pagsakay at mabilis ang biyahe nila sa MRT, aba’y mababawasan ang sasakyan sa EDSA.

At habang nakatuon ang atensyon ng MMDA sa EDSA, ang isa nating kurimaw na taga-Novaliches naman, hindi rin naiwasan na magmaktol dahil tila hindi raw napapansin ang trapik sa Mindanao A­venue, na konektado sa NLEX. Reklamo niya, mga tao rin naman na nagbabayad ng buwis ang mga dumadaan sa Mindanao Ave.

Kasi nga naman, kung mga bus ang nagsisiksikan sa EDSA at mga truck ang nagpapasikip sa C-5, sa Mindanao Avenue — bus at truck. Hirit pa ng ating kurimaw, lalo pa raw nakapagpalala sa trapik sa Mindanao Ave­nue ang mga bagong gawang daan sa NLEX na nagkokonekta sa Valenzuela, Caloocan at iba pa, maging sa Manila port dahil mas dumami ang truck na dumadaan sa Mindanao Avenue. Ang problema, walang mga nagmamandong tauhan ng MMDA sa mga U-turn slot at intersection na nakakapagpatrapik din.

Gaya sa EDSA, asa­han na rin mga tsong na titindi ang trapik diyan sa Mindanao A­venue at North Ave­nue ngayong ‘ber’ months, at isama na rin ang Commonwealth Avenue. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”