Abante Tonite Interactive

Paskuhan sa Imus

950

IG-ready background ba ang hanap n’yo? Kung instagrammable na lugar ang gusto n’yong puntahan, bakit hindi bisitahin ang taon-taong ipinagmamalaki ng Imus City sa Cavite, ang ‘Paskuhan sa Imus!”

Noong December 3 pa sinimulan ng lungsod ang taunang aktibidad na talaga namang dinarayo ng mga tao mula pa sa iba’t ibang panig ng bansa.

Isa itong month-long celebration kaya maraming programa ang inihanda ng pamahalaang lungsod sa pa­ngunguna ni Mayor Emmanuel Maliksi at iba pang lokal na opisyal. Talaga namang swak sa panlasa at tradisyong Pinoy ang mga aktibidad gaya ng carnivals, fireworks diplay, musical concerts, beauty contests at ang inaabangang lantern parade.

Sa sobrang dami ng programa at makikita sa plaza, siguradong magugutom kayo nito. Pero huwag mag-alala. Mayroon din silang Food-ibig sa Imus at Night Market, isang kainan na siguradong bubusog sa inyo. Patok dito ang bibingka at puto bumbong na saktong-sakto ngayong Pasko.

Una itong idinaos noong 1990 at minsan ding tinawag ang Imus na ‘Christmas Capital of the Philippines’.

Magtungo naman tayo sa isa pang bayan sa Cavite — ang makasaysayang bayan ng Tanza.

Hindi rin sila pahuhuli ngayong Pasko. Mayroon ding inihanda ang pamahalang bayan sa pangunguna ni Ma­yor Yuri Pacumio na Food Fair at Christmas Bazaar. Isang ‘Mapa­yapang Pasko sa Tanza’ ang hatid nila sa mga mamamayan. Matatagpuan ito sa Market Road, Daang Amaya I, Tanza Cavite mula December 14 hanggang December 23, bukas mula alas-singko nang gabi hanggang alas-12:00 nang hatinggabi.

Ilang araw na lang Pasko na, huwag natin kalimutan ang tunay na diwa nito — ang pagmamahalan at pagbibigayan. (with reports from Kevin Patrick Sayaman)