Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Paskuhan sa Imus

0 153

Wala nang isang buwan, Pasko na! Christmas is really in the air. Mukhang magiging merry ang pagdiriwang ngayong taon dahil sa pagluwag ng mga quarantine restrictions. Halos buong bansa, maliban lang sa ilang probinsya, maluwag nang nakalalabas sa kani-kanilang bahay ang mga residente.

Sa Imus, Cavite, aakalain mong walang pandemya. Araw-araw at gabi-gabing dagsa ang mga tao sa pamosong ‘Paskuhan sa Imus’. Taun-taon talaga itong dinarayo ng mga residente rito maging ng mga taga ibang lugar. Ang iba nga, galing pa sa malalayong lungsod at lalawigan. Tila nasabik ang mga tao sa mga pailaw, naglalakihang disenyong pamasko at hilera ng mga kainan. Noong isang taon kasi, walang aktibidad dahil sa kasagsagan ng pandemya.

Personal kong inikutan ang pasyalan nitong Huwebes ng gabi. Mistulang nakawala sa hawla ang mga tao. People from all ages ang nakita ko sa Imus plaza kung saan naroon ang mga naglalakihang parol, pailaw at life-sized belen. May mga malalaki ring estatwa ng mga tanyag na super heroes. Pati ang ilang kilalang character sa sikat na Korean series na ‘Squid Game’, present din.

Hindi kumpleto ang pamamasyal kung walang food trip. May hilera rin ng food stalls sa plaza na puwedeng pagpilian. Karamihan, mga ihaw-ihaw na talaga namang patok sa panlasa ng mga Pinoy. Iba-ibang cuisine din ang available sa lugar – may Chinese, Persian at siyempre ang pamosong tusok-tusok nating mga Pilipino. May nagtitinda na rin ng mga Pinoy delicacies tuwing Pasko – ang puto bumbong at bibingka.

Ayon kay Edwin Maliksi, Head ng City Parks Administration, hindi na sila naglagay ng curfew dahil naba-bash pa sila sa tuwing maaga nilang pina-patay ang mga pailaw sa lugar. Talaga raw nasabik ang mga tao sa pasyalan dahil matagal-tagal ding nabartolina sa mga bahay dahil sa umiral noong hard lockdown.

Ang tangi nilang magagawa sa ngayon, tiyakin pa ring nasusunod ang umiiral na health protocols. May mga marshall na umiikot sa lugar para sitahin ang mga taong walang suot na face mask. Mga bata ang karamihan sa mga nakita kong namamasyal. Ang ilang mga magulang, karay-karay pa ang kanilang mga supling. Litrato rito, litrato roon. May bitbit pa ang iba na stroller para sa mga kasamang sanggol.

Para masiguro rin ang kapayapaan at kaligtasan ng mga namamasyal sa lugar, may naka-standby na mga pulis sa plaza. Pakiusap lang ng pamunuan ng City Parks, maging responsable ang mga tao sa pamamasyal. Itapon sa tamang lugar ang mga basura, panatilihin ang kalinisan at kaayusan ng parke, at siyempre, sumunod sa itinatakdang safet protocols.

Para sa mga bata ang Pasko. Kaya hindi natin masisisi ang mga magulang kung isama nila ang kanilang mga anak sa pamamasyal. Ang sa akin lang, baka hindi pa napapanahong ilabas pati ang ilang buwang sanggol pa lang. Unang-una, inilalagay natin sila sa kapahamakan. Mas okay nang magtiis-tiis, sigurado naman tayo sa kalusugan at kaligtasan ng ating pamilya. Sa huli, hindi lang pagiging merry ang Pasko, dapat ding safe and healthy.

Leave A Reply

Your email address will not be published.