Abante Tonite Interactive

Paslit kinain ng buwaya

0 405

Patay ang isang 10-anyos na batang lalaki matapos itong atakihin at lapain ng buwaya habang nakasakay ng bangka, Linggo nang gabi, sa Sitio Tagpanasan, Barangay Salang sa bayan ng Balabac, Palawan.

Kinilala ang biktimang si Mihasan Suraping, 10, estudyante ng Paliisan Elementary School at taga-Sitio Karikitan, Barangay Catapugan ng nabatid na bayan. Natagpuan sa ilog ang ulo at kanang binti nito makalipas ang mahigit isang araw na pag-atake ng buwaya.

Sa ulat ng Balabac Municipal Police Station (MPS), Lunes nang umaga, Agosto 12, nang magtungo sa kanilang himpilan si Robinsio Suraping, tatay ng biktima upang iulat ang sinapit ng kanyang anak.

Abante Hiring – IT dep

Salaysay nito, alas-sais nang gabi nitong Agosto 11, nang magtungo sa isang tindahan ang biktima kasama ang dalawang kapatid na may edad 12 at 15, gamit ang isang maliit na bangka.

Pabalik na ang magkakapatid sa kanilang bahay kung saan nakaupo ang biktima sa dulo ng bangka nang bigla itong atakihin ng isang malaking buwaya at tangayin sa ilalim ng dagat.

Mabilis namang nakasagwan ang dalawang kapatid nito pauwi upang sabihin sa tatay ang pangyayari dahilan upang agad na magsagawa ng search and rescue operation subalit nabigo silang mahanap ang biktima.

Miyerkoles nang umaga, Agosto 13, nang magtungo sa himpilan ng Balabac MPS ang isang Alajong Amalong, ma­ngingisda sa lugar, upang iulat ang pagkakatagpo ng ulo at kanang binti ng biktima sa mangrove area ng Sitio Tagpanasan, Barangay Salang ng bayang ito.

Agad namang kinuha ng tatay ang mga labi ng anak at pagkatapos linisin ang natirang parte ay agad itong inili­bing. (Edwin Balasa)