Abante Tonite Interactive

Paslit nahulog sa Azure condo ni Paris Hilton

By
975

Bumagsak sa metal grill ng parking lot ang isang 4-anyos na batang lalaki nang aksidenteng mahulog sa bintana ng ika-16 palapag ng Rio Building Azure Residen­ces and Resorts sa Parañaque City kamakalawa ng hapon.

Ang Azure Residen­ces ay idinisenyo ng ­‘Billion Dollar Entrepreneur’ na si Paris Hilton ng Century Properties.

Nagawa pang isu­god sa Parañaque Doctors Hospital ang biktimang si Lucky Parana y Bukid, naninirahan sa No. 324 ­Lower Sto. Niño, Cogeo, Antipolo subalit hindi na ito umabot nang buhay sanhi ng pagkabagok ng ulo at matinding pinsalang tinamo sa katawan.

Sa naantalang ­report ni Senior Supt. Victor ­Rosete, hepe ng Parañaque City Police, naganap ang insidente sa Unit 1601, 16th floor, Rio Building, Azure Residences and Resorts na matatagpuan sa Brgy. Marcelo Green sa nasabing lungsod, dakong ala-1:45 ng hapon kamakalawa.

Base sa pahayag sa pulisya ng ina ng bata na si Salvacion Parana, 40-an­yos, caretaker ng natu­rang condominium unit, nagtungo sila ng kanyang anak upang kunin ang susi mula sa unit guest na katatapos lamang mag-check-out at para linisin ang kuwarto.

Subalit sa hindi inaa­sahang pangyayari, nang magtapon ng basura sa labas ang ina ng bata ay naiwan nito ang bata sa loob ng unit at aksidenteng nagsara ang main door.

Natagalan pa bago nabuksan ang pinto hanggang sa makita ang bangkay ng biktima sa metal grills sa ibaba ng parking lot sa may lower ground ng nasabing gusali.

Binuksan umano ng bata ang bintana ng unit at doon dumaan, na sanhi ng kanyang pagkahulog.