Abante Tonite Interactive

Paslit nalunod sa 5-feet na swimming pool

By
2,778

Nauwi sa trahedya ang isa sanang masa­yang family outing nang malunod sa adult pool ang isang batang babae sa isang resort sa Lungsod ng Malabon noong Lunes ng umaga.

Sa ulat ni PO1 Mayett Flores Simeon, ng Malabon City Police-Women and Children’s Protection Desk (WCPD), ganap umanong alas-10:18 ng umaga nang mangyari ang insidente sa M & A Resort sa M.H. Del Pilar, Barangay Maysilo ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umano noong nakikipag-usap sa kanyang tiyuhin ang ina ng biktimang si Emie­ral Diaz, 7-anyos, na si Mari­lou Abejo, 46-anyos, kapwa taga-Daang Bakal, Gagalangin, Tondo, Manila nang sabihan siya ng isa ring guest sa resort na nakalutang umano ang anak nito sa adult pool na 5-feet ang lalim.

Agad sinaklolohan ang bata at sinubukang i-revive ng naka-duty na lifeguard na si Robert Agustin at mabilis ding isinugod sa San Lorenzo Ruiz Women’s Hospital ngunit hindi na ito ­umabot pa nang buhay.

Patuloy pa ring pinag-uusapan ng pamilya ng biktima kung magsasampa sila ng kaukulang kaso laban sa pamunuan ng nasabing resort. (Cherk Balagtas)