Abante Tonite Interactive

Paslit pinapak ng 20 aso

564

Tadtad ng pasa at sugat sa katawan ang isang 2-anyos na batang lalaki nang lantakan ito ng nasa 20 magkakatropang aso ng kanilang kapitbahay sa Barangay Magsaysay, Tag­kawayan, Quezon.

Sa nakalap na ulat batay na rin sa pahayag ng tatay ng bata, naglalaro sa gilid ng kanilang bahay ang biktima nang sugurin ito ng mga aso ng kanilang kapitbahay matapos ang mga itong makawala sa bakuran.

Mistulang karne umanong nilapa ng mga aso ang bata sa loob ng bakuran. Inabot pa umano ng halos 3 minuto bago nakuha ang ‘di na pinangalanang paslit sa kuko ng mga aso kung saan wala na itong malay nang isugod sa Health Center ng bayan.

Sa kasalukuyan ay lagi umanong umiiyak ang 2-anyos dahil sa nararanasan pa ring kirot mula sa kagat ng mga aso. Matinding trauma rin ang inabot nito kung kaya wala rin itong ganang kumain.

Humirit naman ng hustisya ang mga magulang ng biktima upang mapanagot ang may-ari ng aso na hindi pa humaharap sa kasalukuyan.