Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Paslit tinodas, tinago bangkay sa kuweba

0 96

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya para matukoy kung sino ang may kagagawan ng pagdukot at pagpatay sa isang 10-anyos na batang babae na natagpuan ang bangkay sa loob ng isang kuweba sa Talisay City, Cebu noong Linggo.

Nabatid na tatlong araw na umanong nawawala ang biktima na grade 4 student sa kanilang lugar sa Sitio Napo, Brgy. Tapul, Talisay City bago natagpuang patay na sa loob ng kuweba.

Enero 5, nagpaalam umano ang biktima sa kapatid na lalaki na pupuntahan ang kanilang ina na naglalaba sa ilog. Subalit matapos ito ay hindi na nakita ang paslit at hindi rin umano ito nakarating sa kanyang ina.

Hinanap ng pamilya ang biktima subalit hindi natagpuan hanggang kinabukasan ay nagpasya silang ipabatid na sa himpilan ng pulisya ang pagkawala nito.

Linggo ng umaga, Enero 9, nakatanggap umano ng tawag ang Talisay Police mula sa isang nagmalasakit na residente at sinabing may nakitang patay na bata sa loob ng isang kuweba malapit sa ilog at tinabunan pa ito ng mga bato.

Positibong kinilala ng pamilya ang biktima.

Inutos ni Talisay City Mayor Gerald Anthony Gullas sa pulisya na magsagawa ng masu­sing imbestigasyon para matukoy at maaresto ang suspek.

Hinihinalang ginahasa rin ang paslit su­balit wala pang opisyal na ulat ukol dito ang pulisya.

Humihingi naman ng hustisya ang pamilya ng paslit para mapanagot ang may sala. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.