Abante Tonite Interactive

Pasok na tayo sa nCoV tally

1,313

Parang sports contest tulad ng SEA Games ang hitsura ng tally ng ilang nagmomonitor sa mga bansang apektado na ng 2019 novel coronavirus. Kung medalya ang dami ng mga taong infected ng nakamamatay na virus, aba’y runaway winner na ang China.

Matapos ng ilang linggo na zero o hindi nakakasali ang Pilipinas sa nCoV tally, nitong Huwebes, inanunsyo ng Department of Health (DOH) ang masamang balita na may tatlong kumpirmadong kaso na ng virus sa Pilipinas. Gaya ng inaasahan, ang isa ay mula sa ­Wuhan City sa China ang ­babaeng turista, na nakarating sa bansa mula sa Hong Kong.

Ang matindi nito, nakabiyahe pa siya sa Dumaguete at Cebu kaya hahanapin nga­yon ng DOH ang mga taong nakasalamuha niya at nakatabi sa mga eroplano na kaniyang sinakyan. At nakara­ting pa sa aming lalawigan — sa Romblon.
Pero ang tanong ng ating kurimaw, mag-isa lang ba siya? Parang mahirap nga namang isipin na mag-isa lang siyang mamamasyal sa Pilipinas.

Ang isa pang ­matindi nito, tila lumilitaw na hindi kinakitaan ng lagnat ang babae habang taglay ang virus. Nagkaroon lang siya ng bahagyang ubo kaya nagpasuri sa ospital at doon na siya minonitor hanggang sa makumpirma na positibo siya ng nCoV. Kaya nakakapangamba na baka naipasa niya ang virus sa ibang tao sa panahon na naglalakwatya siya at wala siyang nararamdaman sa katawan.

Dahil may score na tayo sa nCoV tally, na­giging tanong sa nakaraang dalawang linggo ng marami kung dapat na bang ipagbawal muna ang pagpunta sa Pilipinas ng mga nasa China. Sa ngayon, number one sa nCoV tally ang China sa dami ng namatay sa virus na ito at libo-libo ang under observation. Kumbaga sa medal, meron silang gold, ­silver at bronze.

Nakaraang linggo, ang rekomendasyon pa lang ng DOH eh mamamayan na galing sa Wuhan at sa lalawigan nito na Hubei, ang pagbawalan pa lang bumiyahe sa Pilipinas. Ngunit kung iisipin, bago mai-lockdown ng China ang Wuhan at sunod na ang buong lalawigan, libo-libo na ang nakalabas at nakapunta sa iba’t ibang bahagi ng China.

Kaya hindi na rin ­nakapagtataka na ­mabilis na kumalat sa buong China ang virus. Dahil galing lang ng Hubei unang nai-ban, papaano kung lumipad sila sa Pilipinas mula sa ibang lugar sa China tulad ng Macao o Hong Kong? Tandaan natin na ga­ling sa Hong Kong ang babaeng nagpositibo sa nCoV. At ang Hong Kong, naghihigpit na sa pagpapasok ng mga kababayan nila na nasa mainland China.

Mismong kaalyado ng China na Russia, isinara ang kanilang border upang hindi muna makapasok sa kanila ang mga chinese. Tayo – nganga at nakaraang araw lang naglabas ng total ban. Sa gitna ng takot at delubyo, iniisip pa rin kaya ng gobyerno eh diplomatikong ugna­yan at mawawalang kita sa turismo?

Ang ilang lugar na pasyalan sa Pilipinas gaya ng Samal Island, nagkaroon na ng ­sarili nilang desisyon na ­i-ban muna ang mga turistang galing sa mga bansang apektado ng virus, lalo na ang China.

Sa ngayon, bukod sa Pilipinas na maraming kaso na ng nCoV, ang iba pang mga bansa na pasok na rin sa nCoV tally ay ang ­Australia, Cambodia, India, ­Japan, ­Malaysia, ­Nepal, ­Singapore, South Korea, Sri ­Lanka, ­Thailand, ­Taiwan, ­Vietnam, Canada, Amerika, Germany, UAE, at mantakin n’yo pati Finland at France. Aba’y wala pa ang Timor Leste? ­Mahuhuli na naman kaya sila sa tally gaya sa SEA Games?

At kung pagbabatayan ang mga palusot ni DOH Secretary Franciso Duque III sa Senate hearing, abay kabahan na tayong ­lahat, sariling opisina hindi niya marendahan kaya’t ‘di nakakagulat kung kumalat ang virus sa Pilipinas — parang panahon ng Hapon na ‘makapili’ na nagturo para lang hindi mapurohan sa kapalpakan! Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Tonite – Wendys Inhouse Ad