Abante Tonite Interactive

Passport on Wheels ng DFA aarangkada

1,637

Muling pinalawig ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kampanya para mabigyan ng pasaporte at iba pang consular services ang mga nasa malalayong bayan sa nakatakdang paglabas ng karag­dagang apat na van para sa Passport on Wheels.

Ang mga van, na dumating noong Mayo 4, ay ilalabas at bubuksan na sa publiko simula sa Mayo 18 matapos ang masusing inspeksyon, pagpapatakbo at training ng mga tauhan nito.

Sa karagdagang apat na van, umabot na sa walo (8) ang bilang ng mga van para sa Passport on Wheels program na dinisenyo upang maresolba ang dumadaming numero ng mga gustong makakuha o makapag-renew ng pasaporte.

“DFA will continue to exert all efforts to make passport services accessible to our people ­wherever they are in the country,” saad ni Secretary Alan ­Peter S. Cayetano.

Ang Passport on Wheels, na sinimulan noong Enero 15 ngayong taon, ay nakarating na sa mahigit 82 cities, municipalities, mga opisina at ­organisasyon.

Nakarating na ito sa mga probinsya sa Northern Luzon kabilang na ang Ilocos Norte, at maging sa Mindanao kung saan nagbigay na ito ng serbisyo sa mga residente ng Davao City.

Simula Enero 15 hanggang Abril 30, ang Passport on Wheels ay nakapagbigay na ng serbisyo sa kabuuang 94,422 passport applicant.

Ang bawat van ay may kumpletong kagamitan kagaya ng limang data capturing machine na may kakayanang magproseso ng 500 application.

Sa karagdagang mga unit, ang bilang ng mga aplikante na mabibigyan ng serbisyo ay tumaas na rin kung saan madaragdagan ito ng mahigit 4,000 ang puwedeng maproseso kada araw.

Sa darating na Hunyo, ang DFA ay may plano pang magdagdag ng dalawa (2) pang megavans para mas marami ang maproseso ng Data Capturing Machines at muling itaas ang kapasidad ng DFA sa pagbibigay ng pasaporte.

Bukod pa sa Passport on Wheels, ang DFA ay nagpapatupad na rin ng iba pang programa sa ikaluluwag ng passport processing sa mga kababayan.

Nakatakdang magbukas ang DFA ng consular office sa Ilocos Norte sa Mayo 8 at isa pa sa Isabela sa Mayo 15. Ang dalawang bagong consular office ay karagdagan lamang sa opisina na nagbukas kamakailan sa Tacloban. Anim pang consular office ang bubuksan sa ibang rehiyon sa mga darating na buwan.

Ang iba pang programa ay ang pagbibigay ng serbisyo ng DFA kada Sabado sa Aseana office, pag­dagdag ng kapasidad ng aplikante kada araw sa lahat ng consular office at pagpapalawak sa courtesy lanes sa mga sektor na kailangan ito at ang pagsawata sa mga fixer at scammer.