Abante Tonite Interactive

Pastillas kayo diyan!

470

Magaling talaga sa diskarte ang mga Pilipino basta pera ang pinag-uusapan.

Inakala natin na na­wala na ang problema sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang paliparan matapos kalusin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tiwaling nambibiktima sa mga ino­senteng pasahero sa naging kontrobersi­yal na laglag-bala scheme at ang mga binuburiking bagahe ng mga kawa­wang overseas Filipino worker na umuuwi sa bansa.

Pero heto na naman ang panibagong kalokohan ng mga tiwali na nasanay sa easy money o madaling paraan para magkapera sa pamamagitan ng ‘pastillas scheme’ na ibinunyag sa Senado.

Ang pastillas scheme ang bagong diskar­te ng mga tiwaling mi­yembro ng Bureau of Immigration (BI) kung saan ini-escort nila ang mga dumarating na Chinese sa NAIA at pinapalusot kapalit ang P10,000.

Bakit pastillas? Binibilot umano ang pera na parang pastillas para disimulado at hindi mahuli ng ibang taga-NAIA.

Wala itong ipinagkaiba sa dating sistema na pag-escort ng mga dayuhan, karamihan ay Chinese kung saan paglabas pa lamang sa tube ng eroplano ay mayroon nang nakaabang na susundo para hindi mahirapan pagdating sa immigration ang mga ito.

Bagama’t inalis na sa NAIA ang mga opisyal at tauhan ng BI na natukoy sa inilabas na video, iniimbestigahan na rin ang mga ito, ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente.

Wala pang pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte sa nabunyag na pastillas scheme, pero tiyak na mag-iinit ang ulo nito dahil ayaw niya ng kalokohan sa gobyerno.

Mayroong tinatawag na command responsibility at tila naisahan ng kanyang mga tiwaling tauhan si Morente dahil hindi nito naamoy o natunugan ang ginagawang kalokohan ng kanyang mga tao sa NAIA.

Magkakaroon ka­ya ng sibakan sa susunod na mga araw? Abang-abang tayo baka may sasampalin o sisipain ang Presidente gaya ng mga pagbibida nito kapag kinokompronta ang mga tiwaling sinibak niya sa puwesto.

Hindi masabi kung kailan nag-umpisa ang pastillas scheme pero kung titingnan ang dami ng mga Chinese ngayon sa bansa na dumagsa noon pang nakalipas na taon at ang iba ay iligal na nagtatrabaho sa online casino, tiyak na tiba-tiba at bundat na ang tiyan at bulsa ng mga nakinabang sa scheme na ito.

Totoo ang sabi ng Presidente na mahirap walisin ang korapsiyon sa gobyerno lalo na kung nakaugat na sa isang tao ang pagkasiba sa pera o maluhong pamumuhay na kailangan nitong matustusan kaya naka­kagawa ng kalokohan.

Pero nakatitiyak ako, hindi lamang sa NAIA mayroong kalokohan, marami pa iyan mula sa ibang ahensiya ng gobyerno at tiyak na mabubuking sa mga susunod na araw dahil mulat na ang publiko sa mga dapat gawin bilang pagsuporta sa adhikain ng administrasyong Duterte na maalis ang korapsiyon sa pamahalaan.