Abante Tonite Interactive

Pataas nang pataas

By
342

Lahat na yata ng bilihin ngayon, pataas nang pataas.

Mula sa bigas, karne at kahit sardinas, hindi mapako ang pres­yo. Kaya naman inamin na ng Department of Finance (DOF) na papalo sa 5.9 percent ang inflation rate sa buwan ng Agosto, pinakamalaki sa loob ng siyam na taon.

Dito tuloy nasusubukan ang kakayahan ng mga opisyal ng gobyerno, lalo na si Agriculture Secretary Manny Piñol. Binayo siya sa isyu ng bukbok na bigas, ang sagot ng kalihim nagpasaing ng bigas na may bukbok at kinain. Kasama sa kanyang kinain daw ay ang ilang insektong nakahalo sa kanin. Hindi bumenta sa mga tao ang publi­city stunt ng kalihim, bagkus nandiri pa sila sa ginawa nito.

Sunod na pakulo ni Piñol, iligalisa raw ang smuggling ng bigas sa lugar ng Zambonga, Sulu, Tawi-Tawi, at Basilan. Bunsod ito nang pagsipa ng presyo ng bigas sa Zamboanga City kamakailan kung saan umabot sa P70 ang bawat kilo dahil na rin sa kakapusan ng murang NFA rice. Binaril ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nakakalokang panukala ni Piñol.

Marami tuloy ang humihiling sa pagpapalayas kay Piñol sa DA. Magaling lang yata itong mag-leak ng ilang impormasyon sa mga Cabinet meeting pero sa aktuwal na trabaho, bagsak ang grado. Suwerte lang niya at ma­lakas pa rin ang kapit niya kay Pangulong Duterte kaya hindi siya masipa.

***
Isa rin na makabutas-bulsang balita ay ang bagong bayarin ng mga gustong magbakasyon sa Mabini, Batangas.

Umaalma ngayon ang mga may-ari at operator ng mga resort dahil sa isang Board Resolution na ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Mabini, Batangas para patawan ng P50 buwis ang bawat turistang papasok sa Anilao, ang ‘Dive Capital of the Philippines’, halos tatlong linggo na ang nakakalipas.

Biglang itinayo umano ang tollgate sa highway at bawat papasok na turista ay sinisingil ng P50. Wala ring iniisyung resibo kundi kapirasong papel na may mukha ng dalawang lokal na opisyal ng gobyerno.

Nangangamba ang nagmamay-ari ng mga bakasyunan na baka maapektuhan ang tu­rismo sa lalawigan dahil sa biglaang panini­ngil ng buwis na ito na diumano’y gagamitin ng lokal na pamahalaan para sa kanilang mga ‘environmental project’. Ang bagong buwis ay proyekto umano nina Mayor Noel Luistro at Vice Mayor Jun Villanueva upang makalikom ng pondo na gagamitin sa paglilinis diumano ng mga park, pagtatayo ng mga waiting shed, pagtatanim ng halaman sa paligid at pag­lilinis ng kapaligiran ng lalawigan.

Ang ipinagtataka ng mga resort owner, mayroon nang sinisingil na P200 para sa ‘conservation purposes’, sa bawat diver at iba pang turistang namamasyal sa mga isla ng Mabini. Sa kanilang tantiya, kumokolekta ang lokal na pamahalaan ng P11 milyon kada buwan sa paniningil ng P200.

Umapela pa ang mga negosyante sa Mabini na bawiin ng LGU ang bagong bayarin bago ito makaapekto sa tu­rismo ng lalawigan, na kilalang-kilala hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Hihintayin natin ang kaganapan sa isyung ito pati na ang magi­ging sagot ng alkalde sa reklamong ito.