Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pataba bumaba presyo sa centralized bidding – Dar

0 249

Libu-libong magsasakang Pilipino ang makikinabang sa pagbaba ng presyo ng patabang urea bunsod ng centralized bidding na isinagawa ng Department of Agriculture.

Sa isang online press briefing, sinabi ng DA na mas mababa na sa P1,000 ang presyo ng bawat 50-kilong sako ng urea na dati’y mabibili sa halagang mahigit P1,100 kada sako sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, ang pagbaba ng presyo ng urea ay patunay na tama ang hakbang ng DA na i-centralize and bidding ng naturang fertilizer. Aniya, malaking tulong sa mga magsasaka ang mababang presyo ng urea na madalas nilang gamitin bago simulan ang pagtatanim ng palay.

Ipamamahagi ng DA nang libre ang naturang pataba sa mga magsasakang kasali sa Rice Resiliency Project ng kagawaran. Sa pamamagitan ng sistemang `buy two, take two’ kungsaan ang magsasakang bibili ng dalawang sakong pataba ay bibigyan ng kani-kanilang Municipal Agriculture Office ng katumbas na libreng dalawang sako ng urea.

Kasabay nito, muling pinabulaanan ng DA ang mga bintang ng overpricing na ibinabato sa kagawaran. Ayon kay DA assistant Secretary Noel Reyes ang Approved Budget for the Contract (ABC) para sa bidding ng patabang gagamitin ng DA Rice Program ay batay sa buwanang price trend na iniulat ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) at ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Batay sa datos ng FPA, ang average price ng urea fertilizer sa buong bansa mula Pebrero hanggang Abril 2020 ay P1,051 kada sako. Ito rin umano ang lumilitaw sa mga resibo mula sa iba’t ibang retail outlets sa bansa na ipinakita ng DA sa kanilang online press conference

Leave A Reply

Your email address will not be published.