Abante Tonite Interactive

Patay na kaya ang aking ama?

506
Ano pong ibig sabihin ng aking panagi­nip? Bago po ako ma­tulog nu’ng gabing iyon, nagdasal po ako na sana mapanaginipan ko ang aking ama na never ko pang nakita.
Humingi ako kay Lord ng sign kung buhay pa ba siya or patay na? And that night, napanaginipan ko ang aking ama. Sa panaginip ko, patay na siya at nakahiga daw sa kabaong. Hagulgol ako nang hagulgol sa kaba­ong niya.
Panay ang tanong ko kung bakit hindi niya ko hinintay?

 

Ano po bang ibig sabihin nito? Never ko pa nakikita ang aking ama at sa pag kakatanda ko, first time ko siya napa­naginipan at ‘yung first time na ‘yun, ganu’n pa ang eksena. Patay na po kaya siya? Or may pag-asa pa ba ako na makita siya?

 

Ang iyong panaginip kung bibigyan ng interpretasyon ay kailangang ibase sa iyong espirit­uwal na paniniwala. Sinabi mong bago ka natulog at bago ka nanaginip ay nagdasal ka at humingi ng sign sa Diyos. At napanaginipan mo nga ang iyong ama. Sinumang relihiyosong tao ay sasabi­hing binigyan ka nga ng sign ni Lord.

 

Walang anumang interpretasyon na makatitiyak na patay na nga ang iyong ama kung ibabase lamang natin sa iyong panaginip. Pero dahil ikaw nga ay madasaling tao, maaari mo nang tanggapin na ang iyong panaginip ay isa ngang sign dahil ito ang hiningi mo. Kung buhay man o patay ang iyong ama sa tunay na buhay, sa ngayon ay malinaw ang mensahe ng iyong panaginip na ituring mo na siyang patay. Ito ay hindi upang bigyan ka ng sama ng loob kundi upang bigyan ka lamang ng closure. Mas mapa­panatag, sa ngayon, ang iyong isip na tanggaping wala na ang iyong ama.

 

Related Posts

Kulambo

Maaaring kahit ang iyong subconscious ay kumbinsidong mas magiging madali sa iyo ang mag-move on kung ituturing mong namatay na nga ang iyong ama. Mas mahihirapan ka lamang kung patuloy kang aasa at maghihintay. Mas malamang ang sama ng loob, mas malamang ang kabiguan kung pa­tuloy kang nakabitin.

 

Kung sa pagdating ng panahon ay malaman mong buhay pa ang iyong ama at malaman mong hinahanap ka rin niya, maituturing mo na lamang iyon bilang bonus. Pero sa nga­yon, mas makatutulong sa iyo na magkaroon ng peace of mind kung tatanggapin mo muna ang iyong panaginip alinsunod sa iyong espirituwal na paniniwala.

 

Nabuhay ka nang wala ang iyong ama kaya ipagpatuloy ang pagsusumikap at pagharap sa buhay nang wala siya.

 

Alalahaning lahat ng magaganap at nagaganap ay alinsunod sa nakatakda. Kung sa pagdating ng panahon ay magkita pa kayo ng iyong ama, ito ang tala­gang itinakda para sa iyo.

 

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang espirituwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.