Abante Tonite Interactive

Patay sa kaaway ni Kuya

By
8

Nasawi habang inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang isang 34-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng dating kaaway ng kanyang kuya kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.

Dakong alas-12:00 ng tanghali nang tuluyang bawian ng buhay ang biktimang si Reynan Duallo, may-asawa ng 1963 Almeda St., Tondo, habang mabilis namang tumakas bitbit ang baril na ginamit sa krimen ng suspek na nakilalang si Jeffrey Agustin, mi­yembro ng Sigue Sigue Commando Gang.

Ayon sa imbestigasyon ni PO3 Jorlan Taluban ng Manila Police District-Homicide Section bandang alas-9:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa gilid ng creek sa Almeda St., sa Tondo.

Bago ang pamamaril ay nag krus ang landas ng suspek at ng isang Erick Duallo, 43-anyos na kapatid ng biktima, dahil sa umano’y matandang alitan.

Dahil armado umano ng baril si Agustin ay agad itong humingi ng saklolo sa biktima na kanyang naka­babatang kapatid at nang magtagpo ay agad na pinaputukan ng baril ang biktima ng suspek na tinamaan sa ulo at sa tagilirang bahagi ng katawan.