Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Patok ang Ihaw-Ihaw

0 92

Kada kanto saan mang lugar sa Pilipinas, lagi tayong may makikitang ihawan. Sari-sari ang ibinebenta rito na talaga namang katakam-takam sa ating mga Pilipino.

Hindi nawawala ang barbeque, hotdog, pati na siyempre ang mga laman-loob ng baboy at manok gaya ng isaw, bituka, paa at ulo ng manok, at dugo na kung tawagi’y betamax.

Bukod sa merienda, puwede ring i-ulam ang mga ito kaya naman patok sa panlasa ng mga Pilipino. Mura na, masarap pa.

Hindi ko pinalampas ang pagkakataon para ipatikim ito sa mga pamangkin ko na galing sa Europa, sina Justine at Jervin. Dito sila pareho ipinanganak sa Pilipinas pero sa Ireland na lumaki at nag-aral.

Pagdating namin sa ihawan, dagsa ang mga parokyano. Marami ang naghihintay sa kanilang order. Senyales na masarap ang tinda roon dahil pila-pila ang customers.

Tabing kalsada ang puwesto. Pero malinis ang lugar. Ang mga panindang ihaw-ihaw, hindi pinapahiran ng food coloring. Sa iba kasing tindahan, halos magkulay ‘orange’ na ang mga paninda sa kapal ng coloring.

Napuno namin ng paninda ang dalawang plato – umabot ang bill ng halos P700. Mura na kung tutuusin dahil sampung tao kaming kumain nito.

‘Yum’ para kina Justine at Jervin ang ihaw-ihaw! Kinulang ang kalderong kanin sa aming pamilya. Kaya kinailangan pang bumili ng kanin sa katabing karinderia.

Alas tres ng hapon nagsisimulang magtinda ang binilhan naming ihawan. Nagsasara sila bandang 8PM. Sa loob ng limang oras, ilang libong piso raw ang kanilang kinikita araw-araw. Magandang pagkakitaan, kung talagang seseryosohin. Mas malaki pa ang nasusubi nilang pera kumpara sa empleyado ng pabrika.

Ang problema lang, matrabaho ang negosyong ito. Mula sa pagbili sa palengke, pagtimpla ng rekado hanggang sa aktuwal na pag-ihaw – talagang mahirap sa katawan. Pero kita ko sa mga nagnenegosyo ang pagpupursige. Ika nga ng kasabihan ‘kapag may tiyaga, may nilaga!’

Para kina Justine at Jervin, higit sa pagtikim nila sa pagkaing Pinoy – mas mahalagang nabuksan ang isip nila sa pagnenegosyo. Maliit na hanapbuhay man, ang importante – lumalaban ng patas at walang inaapakang tao.

Leave A Reply

Your email address will not be published.