Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Patok na Sabaw

0 162

Hanggang Pebrero pa mararanasan ang malamig na panahon. Sa pagtaya ng ating weather bureau na PAGASA, posibleng bumagsak pa sa pagitan ng 18 hanggang 24 degrees Celsius ang temperatura sa Metro Manila sa mga darating na linggo.

Ngayong ‘bed weather’, masarap humigop ng mainit na sabaw para kahit papaano’y maibsan ang nararamdamang lamig. Importante ring mainitan ang sikmura para hindi ginawin.

Una sa listahan ko ang BULALO na talaga naming dinarayo sa Tagaytay. Masustansiya ang bulalo dahil mataas ang nutritional level ng mga sangkap nito. Ang bulalo soup ay ginagamitan ng karne at bone marrow ng baka. Sabi ng ilang eksperto, ‘red meat is one of the most nutritious foods that you can eat.’ Pero siyempre – lahat ng sobra, masama. Hinay-hinay rin sa pagkain lalo na kung may hypertension at gout.

Hindi rin mawawala sa listahan ang LUGAW. Mabisa itong alternatibo sa pagkain ng kanin. Malagkit na bigas kasi ang primary ingredient nito na mabigat sa tiyan. Puwede ring haluan ng nilagang itlog. Patok din ang lugaw goto na laman-loob ng baka at baboy ang rekado. Sa iba naman, manok ang inihahalo sa lugaw.

Isa sa pinakamabilis ding ihanda ngayong taglamig ang MAMI. Kailangan lang magpakulo ng noodles at lagyan ng pampalasa, aprub na. Chicken strips o beef chunks ang puwedeng ihalo. Ang iba naman, dimsum gaya ng siomai at sharksfin ang isinasahog. Nilalagyan pa ng green leafy vegetables gaya ng pechay baguio at celery para mas masustansiya.

Walang pinipiling panahon ang SOPAS na all-time favorite at comfort food din ng mga Pinoy. Masustansiya ito dahil iba’t ibang uri ng gulay ang puwede mong ihalo rito gaya ng carrot, patatas, celery at red bell pepper. Maaari itong ihain sa mga taong masama ang pakiramdam dahil sa ubo’t sipon.

Sa totoo lang, wala ng mas hihigit pa sa mga comfort food na ‘yan kung sama-sama kayong hihigop ng mainit na sabaw ng mga mahal mo sa buhay ngayong malamig ang panahon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.