Abante Tonite Interactive

Patti Austin inindiyan si Ian

528

Pagkatapos ng kontrobersyal na Canada concert tour niya last April, may upcoming concert ulit si Ian Veneracion, this time ay dito naman sa Pilipinas, ang “Ian: In Color” na produced ng mag-asawang Ogie Alcasid and Regine Velasquez-Alcasid na gaganapin sa Music Museum on July 11 and 12.

Humarap si Ian sa presscon kahapon para sa naturang solo concert at dito ay naitanong sa kanya ang tungkol sa Canada concert tour na na-ging kontrobersyal nga dahil dapat sana’y kasama niya si Patti Austin pero sa hindi malamang kadahilanan ay hindi sumipot ang naturang sikat na American singer.

“‘Yung sa Canada, ang nangyari do’n, nag-rehearse kami a day before, nu’ng dumating, and then, si Patti Austin, nag-rehearse rin. And then, then the next day, may sound check kami ng 2pm, ginising ako ng mga 11am or 12 lunch time, para sabihin na ‘Ian, umuwi na si Patti,’” kuwento ni Ian.

Hindi raw niya alam kung ano ang naging problema between Patti and the producers dahil hindi naman daw niya alam kung ano ang usapan ng mga ito.
“But the point is, ‘yung mga producers, siyempre, alalang-alala sila. Tapos, buti na lang, kasama ko naman ‘yung buong banda ko na kasama ko since nag-start ng concert dati sa Cebu, so, marami kaming pondo na mga kanta,” patuloy niya.

Kinausap daw niya ang kanyang banda at nagdagdag na lang sila ng mga kanta para punuan ang mga numbers ni Patti.

“Tapos, sinabi ko na lang na inform na lang agad sa gate ‘yung mga tao na hindi darating si Patti Austin,” kuwento ni Ian.

Ready naman daw ang producers na mag-refund sa mga tao but good thing, tatlo lang daw ang nag-refund.

“Nandu’n na rin sila, they’re ready to risk it and to enjoy the show. Eh ‘di okay. ‘Wag lang nilang hanapin sa akin si Patti. If they want a refund, we’ll give them the refund. So, it turns out na siguro, out of 1,000 people, tatlo lang ang nag-refund.

“Tapos, karamihan, nakakatuwa kasi, puro Pilipino. So, karamihan ng nagpunta doon, puro Pilipino. Sobra, sobrang sarap ng support ng mga kababayan natin du’n.

“And ‘yun, sabi ko sa kanila, ‘it’s not the show that we intended and we’re performing songs na hindi nakaplano,’ tapos ‘yun nga, sabi namin, ‘enjoy na lang natin and it just means that I’ll be spending more time with all of you,’ and they seemed to be happy about it,” kuwento pa ni Ian.

Siyempre, at first ay natakot rin daw siya pero nakaya naman daw niya na solohin ang 2 oras na concert and instead of 8 songs, he ended up doing 15 or more songs.

May tsika na kaya raw nag-back out si Patti ay dahil hindi raw siya kilala nito at hindi rin daw ito aware na magkaka-back to back sila. To this, sambit ni Ian, “Huh? I don’t think so.”

Hindi raw ito totoo dahil siyempre, sa poster pa lang ay makikita naman ni Patti na dalawa silang magkasama sa concert.

“And I met her here in Manila before nu’ng nag-concert sila ni Jaya. When she went there (sa Canada), I approached her, sabi ko, ‘hi, I’m Ian,’ sabi niya, ‘yes, of course, we’ve met,’ blah-blah-blah.

“So it’s not true that she’s not aware. I’m sure it’s not the ano (reason), I think it had to do with the number of baka vocals or siguro, may hinahanap siyang sax player, hindi na-provide, ‘yung mga ganu’n or other things. Hindi ko sure, kasi it’s between them, sa producers, kung ano ang usapan nila,” paglilinaw pa ni Ian.

Anyway, sa “Ian: In Color,” bukod sa producer niya sina Ogie and Regine ay guests pa niya ang mga ito. Si Ogie ang guest sa July 11 at si Asia’s Songbird naman on the 12th.