Abante Tonite Interactive

Patubig para sa mga magsasaka hindi sapat

188

Umamin ang Malacañang na may problema sa irrigation system ng bansa kaya mababa ang produksiyon ng palay ng mga magsasaka.

Isa ito sa nakitang pangunahing problema ng Malacañang matapos ilabas ng United States Department of Agriculture-Foreign Agricultural Services na ang Pilipinas na ang nangungunang bansa sa mundo na may pina­kamalaking inaangkat na bigas na inaasahang papalo sa tatlong milyong metriko tonelada bago matapos ang taon.

Tinalo na ng bansa ang China sa dami ng ini-import na bigas gayong mas malaki ang populasyon ng China na nasa mahi­git isang bilyon na kumpara sa Pilipinas na mahigit 108 million.

Kinikilala ng gob­yer­­no ang proble­ma ka­ya naman gumawa na ng pa­raan si Agri­culture Sec­retary William Dar kung paano madagdagan ang pro­duksiyon ng mga magsasaka.

Bagama’t may nilagdaang batas si Pangulong Rodrigo Duterte noong February 2018 na Free Irrigation Service Act na nagbibigay subsidiya sa mga magsasaka, hindi lahat ay nakikinabang dito dahil hindi sakop dito ang may malalaking lupain.

Sa ilalim ng nabanggit na batas, ang mga sak­law lamang nito ay yaong may lupain na hindi lalampas sa walong hektarya.

Kulang ang mga irigasyon sa buong bansa at hindi sapat ang patubig sa mga lupang sinasaka kaya walang aasahang mayabong na ani sa lupang tuyot.

Bagama’t maraming rekomendasyon ang Department of Agriculture (DA) para sa kapa­kanan ng mga magsasaka, hindi naman agad-agad ito naipatutupad lalo na kung hindi ito napaglaanan ng sapat na pondo ng gobyerno.

Nasasaktan ngayon ang mga magsasaka sa walang patid na pagdagsa ng imported rice sa bansa na naging dahilan ng kanilang pagkalugi at binabarat ang kanilang produksiyon dahil sa katwiran ng mga negosyante na mas mura ang imported rice.

Tila dumaan lamang sa hangin ang pangarap ng nagdaang mga kalihim ng DA na makakamit ng bansa ang rice self-sufficiency pagda­ting ng takdang panahon.

Natatandaan ko pa ang naging pahayag noon ni dating Secretary Proceso Alcala na makakamit ng bansa ang sapat na produksiyon ng aning palay at posible pang makapag-export ng bigas pero hanggang pangarap lang ito.

Sabagay libre naman ang mangarap.

Ganito rin ang naging pangarap noon ni da­ting Secretary Emmanuel Piñol, pero hindi rin natupad, bag­kus lalong lumala ang sitwasyon at naranasan pa ng mara­ming Pilipino ang krisis sa supply ng bigas.

Sa mga pinagda­a­nang ito ng sektor ng agrikultura, makatwiran lamang siguro na tutukan ito nga­yon ng administrasyon dahil matagal nang napabaya­an ang kapaka­nan ng mga magsasaka na si­yang dapat prayoridad dahil sila ang nagsisikap para matustusan ang pangangailangan sa pagkain ng mga Pilipino.