Abante Tonite Interactive

Patuloy ang nakawan

By
0 179

Taggutom ang siyang kahihinatnan ng walang kaabog-abog na pagkamkam ng China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea. Halos wala ng huli ang mga Pilipinong mangi­ngisda na umaasa dito kung kaya’t hindi lang sila, kundi lahat tayo ay mararamdaman ang masamang epekto nito.

Sa laki ng ating populasyon, mahalaga na manatiling mura at sagana ang supply natin ng pagkain kaya naman mahalagang aktibo itong tugunan ng gobyerno—isang bagay na hindi nito lubos magampanan. Patuloy ang pananahimik at minsan pa nga’y tahasang pagpaparaya ng administrasyong ito sa pambabalahura ng China sa ating mga Pilipino.

Sa isang pag-aaral, tinatayang 10 milyong tonelada ang nahuhu­ling isda sa tanang South China Sea. Ang ganito karaming huli ay sapat na upang matustusan ang panga­ngailangan ng mga Pilipino. Nakagagalit lang na maski ang parte natin sa likas-yamang ito ay ninanakaw pa sa atin ng China.

Hindi na rin lingid sa kaalaman ng nakararami na inaasahang sagana sa deposito ng natural gas at langis ang ilang parte ng West Philippine Sea kaya hindi kataka-taka na bukod sa pagkain, balak din tayong pagnakawan ng China sa iba pang likas-yaman na dapat sana ay makatutulong sa ating patuloy na pag-unlad.

Dahil sa ganitong kasakiman, patuloy ang militarisasyon sa West Philippine Sea at hinahayaan na lang ito ng kasalukuyang administrasyon. Nagpalinlang ito sa mga pangakong walang kasigaruduhan kapalit ang kapakanan ng ating pambansang interes.

Inuulit ko na hind natin nais sumabak sa isang digmaan. Ang nais natin ay gamitin ng administrasyong ito ang lahat ng mapayapang kaparaanan upang ipaglaban ang ating karapatan. Mahala­ga na gamitin ang PCA ruling na nagpawalang-bisa sa kalabisan ng China sa West Philippine Sea upang pagbuklurin ang lahat ng inaagrabyado nito na manindigan sa pag-iral ng respeto sa kanya-kanya nating mga teritoryo.

Sana nama’y mapagtanto ng ating Pangulo na kung mananahimik tayo, patuloy tayong hahamakin ng China sa sarili nating teritoryo. Matagal na tayong lumaya sa mga mapanghamig na mananakop, kaya bakit nagpapa­katuta na naman tayo ngayon? Ang Pilipinas ay para sa Pilipino at kung nais nating manatili itong ganito, umalma tayo kapag naagrabyado.