Abante Tonite Interactive

Patunayan ang karapatan sa lupa

596

Dear Atty. Claire,

Isa po akong OFW sa Gitnang Silangan. Nabasa ko po kasi ang inyong artikulo tungkol sa karapatan sa lupa at pakiramdam ko pareho ang aking concern.

Ang akin naman po ay nabili. Dalawang lahi na po ang nagbenta. Una po ay `yong katiwala na binigyan ng karapatan, tirahan at okupahin ang ilang bahagi ng lupa ng kanyang pinaglilingkuran.

Umalis po ang katiwala, ang ginawa niya sinangla o nagbigay siya ng karapatan sa una. `Di ko alam ang halaga at itong bagong occupant po dahil sa mga tawag ng pangangailangan at sitwasyon sa buhay kami po naman inalok nila sa amin sa halagang P120,000 at ngayon kami po ang nakatira (house and lot na po `yon). Kami ang occupant doon, nagbabayad kami ng tax sa lupa doon.

Sa ngayon ang totoong sitwasyon ay pag-aari po ito ng isang Chinese. Malawak po ito dati kasing rice mill ang lugar. Wala naman pong balita sa may-ari hanggang ngayon at kung ano ang balak sa lupa nila. Balak ko na sanang patayuan ng bagong bahay dahil luma at gawa sa kahoy ang bahay.

Pupuwede po ba `yon? Maaari ko po bang patituluhan na `yong declared portion na ibinigay sa dating katiwala nila? Ano po ba ang magiging karapatan? May kasulatan po kami kasama `yong katiwala na nagbenta na sa unang occupant (house and lot din po) tapos kami nga hanggang sa kasalukuyan.

Salamat.

Bong

Bong,

Ayon sa iyo, lumalabas na ang lupa ay may tunay na may-ari. Naisalin ito sa iyo dahil sa naibenta sa iyo ng isang katiwala.

Ang tanong ko ay: Anong papel ang magpapatunay na may karapatang magbenta ng lupa ang katiwala? Kung walang anumang dokumento tungkol dito ay mahihirapan kang patunayan na may ligal kang karapatan sa lupa. Hindi kikilalanin ng anumang ahensya ang bentahan ninyo ng katiwala dahil hindi siya ang may-ari at wala siyang Special Power of Attorney para magbenta ng lupa. Kahit siya ang pinatira sa lupa ng may-ari ay hindi nangangahulugan na may karapatan na siyang magbenta.

Kahit ikaw ang nagbabayad ng amilyar para sa lupa ay hindi maisasalin ang pagmamay-ari ng lupa at mananatili lamang na utang ng may-ari sa iyo ang mga naibayad mo para sa amilyar.

Ang karapatan mo lamang ay masingil ang may-ari ng lupa sa mga nagastos mo habang inaaruga ang kanyang ari-arian. Kaya’t hindi ko masasabi na magandang ilagay mo ang pera sa pagpapatayo ng bahay sa lupa na iyan dahil baka dumating ang panahon na kuhanin na ng may-ari o mga tagapagmana niya ang lupa.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8922-0245 o 8410-7624 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.

Tonite – Wendys Inhouse Ad