Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Paulit-ulit,palala nang palala ang pagwasak sa kalikasan

0 174

SA tuwing may dumaraang kalamidad nauuwi sa sisihan, turuan kung sino ang may kasalanan kaya nagkaroon ng malawakang pagbaha sa iba’t-ibang bahagi ng ating bansa.

Tulad na lamang nitong karanasan natin sa sunod-sunod na bagyong nanalasa atin mula Quinta, Rolly hanggang ang pinakagrabe ay ang super typhoon Ulysses na kumitil ng maraming buhay.

Marami ang nagsasabi na hinigitan umano ng bagyong Ondoy ang bagyong Ulysses na talagang sinalantana ang Isabela at Cagayan na nilamon ng baha ang maraming lugar na hindi naman dating binabaha.

Maraming nasirang ari-arian sa ilang lugar sa Metro Manila partikular ang Marikina at ilang bayan sa Rizal na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin alam kung paano nila sisimulan ang kani-kanilang buhay.

Tulad ng dapat asahan, ang nakikitang dahilan ng mga pagbahang ito ay kawalan na ng mga punong dapat ay pumipigil sa buhos ng ulan upang hindi diri-diretsong rumaragasa sa mga mabababang lugar.

Isa sa sinisisi ang walang humpay na operasyon ng illegal logging na kahit anong gawing pagtutol ng marami nating kababayan ay patuloy pa rin sa pagkalbo sa kabundukan.

Kahit hanggang sa mga oras na ito at katatapos lamang ng trahedyang nagdaan ay kabi-kabila pa rin ang operasyon ng mga illegal logger na alam naman nating hindi naman mangyayari kung walang basbas ng mga dapat magbantay.

Tinitingnan din ngayon ng Palasyo ang wala ring pakundangang pagmimina na isa rin sa sumisira ng maraming kabundukan dahil sa patuloy na paghuhukay makakuha lamang ng ginto.

Talamak din ang operasyon ng small scale mining sa maraming lugar at isa rito ang talagang malala na ang sitwasyon ng kabundukan ay ang lugar ng Paracale sa Bicol area.

Related Posts

Butas-butas na ang naturang lugar dahil sa kabi-kabilang paghuhukay at maging ang pamunuan ng pulisya ay hindi kumikilos dahil sa umiiral na regular na lagayan para huwag lamang hulihin ang mga naghuhukay na minero.

Sa kasalukuyan ay nasa delikadong estado na ang bulubunduking bahagi ng Paracale na kapag may matinding delubyong magdaan ay posible na itong gumuho at marami ang mapahamak.

Ikinagagalit din ng Palasyo ang napakaraming operasyon ng quarry sa iba’t-ibang lugar at halos lahat ng lalawigan sa bansa ay may mga nagpapatag na ng mga kabundukan at gumagamit pa ng dinamita.

Napakabigat ng epekto ng quarry dahil matapos na kalbuhin ang mga kabundukan ay papatagin naman ng mga quarry operator at kapag patag na ay gagawin namang subdibisyon kaya ang resulta ay malawakang pagbaha.

Ang mga pangyayaring ito ay matagal na nagaganap at lantarang nakikita ng ating mga kababayan ngunit kataka-takang hindi nakikita ng nakatalagang pulisya sa bawat lugar.

Ang huhusay nilang magpaliwanag kapag kinakapanayam sila ng media at palaging pinagtatakpan ang mga operasyon ng mga walang pusong winawasak ang ating kalikasan.

At tuwing may mga pagbaha palaging nasisisi ang mga sumisira ng kabundukan at paulit-ulit ito kada may kalamidad ngunit kataka-takang hindi mapahinto ng maykapangyarihan.

Ngayon posibleng tahimik ang operasyon ng mga taga-wasak ng kabundukan dahil mainit pa ang sitwasyon ngunit inaasahang muli silang magbabalik sa operasyon kapag humupa na ang imbestigasyon at sa susunod na panahon ay mauulit na naman ang ganitong senaryo.

Sana magkaroon ng pangil ang batas na tuluyang ipatigil ang pagkawasak ng kabundukan na alam ko namang imposible dahil marami sa mga bantay ang mismong sumasalakay.

Leave A Reply

Your email address will not be published.