Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pautang app pinapahiya user, lagot sa NPC

0 57

Pinakakasuhan na ng National Privacy Commission (NPC) sa Department of Justice (DOJ) ang Fynamics Lending Inc., ang operator ng Pondo Peso online lending application na inireklamo sa pangha-harass at panghihiya sa mga hindi nakababayad sa oras, na paglabag sa data privacy law.

Sa 40 pahinang desisyon ng NPC, nabatid ding may kriminal na pananagutan ang board of director ng Fynamics Lending at maaari umanong maharap sa pagkakakulong ng hanggang tatlong taon at multang hanggang P2 milyon dahil sa hindi awtorisadong pagpoproseso ng personal na impormasyon ng mga tao. At ‘pag sensitibo pa ang impormasyon, maaaring silang makulong ng hanggang anim na taon at magmulta ng hanggang P4 milyon.

Sabi ng NPC, pinadala na nito ang desisyon sa DOJ para mausig na ang mga may pananagutan.

Nag-ugat ito sa 113 pormal na reklamong natanggap ng NPC laban sa kompanya. Kabilang dito ang pag-access sa phonebook ng user at nagpapadala ng mensahe sa mga third person, tulad ng kaibigan, kamag-anak o katrabaho, ang kanilang impormasyon nang walang pahintulot.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Tinatakot din umano sila na sisiraan sa mga kakilala para mapuwersang magbayad; at labis ang pagproseso nito ng impormasyon tulad ng pagpo-post sa social media account ng mga tao nang hindi awtorisado.

Sabi ng NPC, nakukuha ng Fynamics online lending app ang contact list sa mobile phone ng mga nag-download nito at marami itong hinihinging permission na tinuturing ng NPC na mapanganib.

Matatandaan na noong October 2019, pina-ban ng NPC ang 26 online lending app at nakipagugnayan ito sa GooglePlay para matanggal na ito. Noong Setyembre 2020, inutusan naman ng NPC ang mga online lending application na tumigil sa pag-access ng contact list ng mga borrower.

Sabi ng NPC patuloy nitong iniimbestigahan ang iba pang mga online lending company na inirereklamo sa harassment at panghihiya. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.