Abante Tonite Interactive

PBA aayuda sa mga game day employee

428

Tutulungan ng Philippine Basketball Association ang kanilang mga game-day personnel upang hindi magsakripisyo matapos na matigil ang mga laro ng 45th PBA Philippine Cup 2020 dahil sa pinairal na bansa na enhanced community quarantine.

“Bago pa pumutok ang problema nag-decide na ang PBA board hindi natin pababayaan ang mga tao namin,” pahayag kahapon ni PBA Commissioner Willie Marcial.

Una nang tumulong sa krisis sa bansa sina team owners Ramon S. Ang ng San Miguel Beer/Barangay Ginebra San Miguel/Magnolia Pambansaang Manok, at Manuel V. Pangilinan ng TNT/ Meralco/NLEX.

Nagpasabi sina Ang at MVP na tuloy ang pagpapasahod sa kanilang mga nabuo sa koponan kahit suspendido ang mga laro.

Maging ang Office of the Commissioner nagpahayag na magkakaloob ng tulong para sa kanilang mga mga statistician, table official, gatekeeper, entertainment personnel, parking personnel at iba pa.

“Tutulungan namin sila. Part sila ng PBA family, hindi namin sila pababayaan. Hanggang mayroong ganitong problema at sitwasyon, kami’y tutulong; kahit two, three months ang length of tournament stoppage, tutulong kami sa kanila,” giit ni Marcial.

Nagpasalamat naman si Marcial sa mga player at ibang personahe na agad tumulong para sa game-day crews ng liga sa pagtugon sa panawagan ni Alaska coach Jeffrey Cariaso.

Una sa kanila si Cariaso na sinundan nina Beerman Chris Ross, KaTropa Harvey Carey, Road Warrior Kiefer Ravena, Bolts Cliff Hodge at Nico Salva, CJ Perez ng Columbian at iba pa. (Lito Oredo)