Abante Tonite Interactive

PBA, Blackwater umayuda sa Batangas

330

Nagpaabot ng tulong ang Philippine basketball Association (PBA) sa mga nabiktima ng Taal Volcano eruption nitong Linggo.

Bago ang Game 5 ng Governors Cup Finals ng Ginebra at Meralco Biyernes ng gabi sa MOA Arena, iniabot ang P1M tseke sa kinatawan ng lalawigan ng Batangas.

“Inimbitahan namin si Gov. (Hermilando) ‘Dodo’ Mandanas to come over pero marami siyang ginagawa sa Batangas dahil nga sa Taal eruption,” paliwanag ni PBA commissioner Willie Marcial. “He’ll be sending a representative to receive the PBA donation.”

Sa inisyatiba ni Marcial, nagkasundo ang PBA Board na magbigay ng ayuda sa mga biktima ng pagsabog ng bulkan. Tubong Batangas City ang 10th commissioner ng liga.

Mamimigay rin ang Blackwater, sa pamamagitan ni owner Dioceldo Sy, ng 500 pares ng tsinelas para sa evacuees.

“Tingnan natin kung may madadagdag pa tayong t-shirts and other immediate needs ng mga kababayan natin na nasalanta ng Taal eruption,” panapos na pahayag ni Marcial.

Tinitignan din ng liga kung paano matutulungan ang evacuees na pansamantalang sumilong sa Batangas City Sports Center, ang coliseum na pinag­lalaruan ng PBA kapag dumadayo sa probinsya. (VE)