Abante Tonite Interactive

PBA dapat gayahin ang NBA All Star Weekend

172

Sa totoong buhay, ako ay isang marketing man.

Napapansin ko madalas ang mga kompanya na magaling magbenta ng produkto sa pamamagitan ng magandang istratehiya o pagkakaroon ng magandang advertising­ o promotion.

Ang nakita ko noong Linggo sa TV ang pagganap ng mga laro sa Charlotte, USA ng 2019 NBA All Star Games. Pinag-isipan nang husto ng mga taga-NBA ang mga pangyayari sa Charlotte, umpisa sa Rising Stars basketball hanggang sa laro ng Team USA kalaban ang Team World.

Nakita ng buong mundo ang galing ng Lakers player na si Kyle Kuzma sa pag-shoot. Gumawa si Kuzma ng 35 points at pinarangalang Most Valua­ble Player sa laro nila. Nakita din ng mundo ang galing ng mga player na galing sa Europa katulad ni Luka Doncic at iba pa.

Pagkatapos ng laro, nagkaroon ng skills challenge na napanalunan ni Jayson Tatum ng Boston Celtics. Nakita natin ang 3-point shootout ng lahat ng magagaling tumira sa labas tulad nina Damian Lillard, Stephen Curry, Seth Curry, Joe Harris at iba pa.

Tinalo ni Harris ang lahat at siya ang naging Best in 3-point shots. Ang sumunod naman ay Slam Dunk contest at ito’y napanalunan ni Hamidou Diallo ng OKC.

Pero, humanga ako nang husto sa mga marketing geniuses ng NBA sa entertainment at ang huling laro sa All Star Weekend.

Ang galing din ng pagtatanghal ng All Star Game kung saan naglaro ang mga pinakamagaga­ling na manlalaro sa buong mundo. Mula sa umpisa pa lang, nakita natin si Giannis Anteto­kounmpo na nagpakita ng sari-saring dunks. Isa sa pinakamagandang dunk ni Giannis ay noong ipinasa ni Steph sa kanya ang bola.

Hindi lang basta pasa, pinatalbog ni Curry ang bola sa bandang kaliwa ng court at eksakto napunta sa kanan ng basket, at doon sinalo ni Giannis ang bola sabay dunk.

Napakaganda panoorin. Lahat ng mga manla­laro, nagpasiklab nang husto. Animnapu’t walong (68) tira sa three-point line ang pumasok mula sa mga player ng dalawang koponan.

Bumanat nang husto sa tres sina Klay Thompson, Bradley Beal, Damian Lillard, Steph Curry, Kawhi Leonard at iba pa. Ngunit si Kevin Durant ng Golden State Warriors ang pinakamaganda ang ginawa.

Sunod-sunod ang tres ni Durant noong last quarter at nakaiskor ng 31 puntos upang mahirang na NBA Most Valuable Player ng All Star Game 2019.

Sana pag-isipan din ng PBA ang mga gimmick na ganito para dumami ang nanonood ng PBA.